MAITATAMA ba ang isang kamalian sa isa pang maling pamamaraan? Sa pagtatama ng isang pagkakamali, opinyon ba ng iilan o panuntunan ang dapat manaig at tupdin?

Nakataya ang pundasyon ng Olympism sa naging desisyon ni Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino -- sa kagustuhang pagbigyan ang ‘request’ ni International Volleyball Federation (FIVB) General Director Favio Azevedo – nang ipatawag sa isang pagpupulong ang ilang personalidad sa Philippine volleyball para sa pagkakaisa at itakda ang isang election para sa bagong itatatag na asosasyon sa volleyball.

Maganda ang layunin, subalit tila mali ang proseso at pamamaraan.

Bukod sa teknikalidad (Wala sa POC bylaws and constitution ang nagpapahayag na responsibilidad ng Olympic body ang pagbuo at election sa isang sports association), maraming katanungan ang nararapat sanang mabigyan ng kasagutan muna sa isyu ng volleyball. Isa sa dapat mabigyan ng linaw ay kung wala bang asosasyon sa kasalukuyan ang volleyball na kinikilala ang POC bilang lehitimong National Sports Association (NSA)?

Pambansang Kamao Manny Pacquiao, nag-senti? Ilang netizens, todo-comfort!

Sa isinagawang election ng POC nitong Nobyembre 27 kung saan nagwagi si Tolentino sa botong 30-22 laban kay archery president Atty. Clint Aranas, binigyan ng karapatang bumoto – sa kabila ng apela ni Philippine Volleyball Federation (PVF) president Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada – ang Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. (LVPI) na pinamumunuan ni Peter Cayco.

Bakit LVPI Inc. at hindi PVF ang pinaboto sa POC election?

Ang PVF ang nananatiling miyembro ng International Volleyball Federation (FIVB) at batay sa attestation na inilabas matapos ang World Congress noong 2018 sa Cancun, Mexico, hindi ito inalis na miyembro, habang binigyan lamang ng karapatan ang LVPI na magbuo ng National Team na isasabak sa International competition habang gumugulong ang ‘special investigation’ na ipinagutos ni FIVB president Ary Graca.

Umabot sa FIVB ang LVPI na nabuo noong 2015 dahil sa ayuda ng noo’y pangulo ng POC na si Jose ‘Peping’ Cojuangco.

Personal o anuman ang nagtulak noon kay Mr. Cojuangco, ang desisyon na ayudahan ang LVPI ay taliwas sa patuntunan ng POC bylaws and constitution dahil sa katotohanan na nang mga panahon na iyon, hindi nabuwag ang PVF at hindi rin ito inalis ng POC bilang miyembrong NSA sa volleyball.

Samakatuwid, ang PVF pa rin ang opisyal na asosasyon sa volleyball sa Pilipinas.

Sa Article IV (Membership) ng POC bylaws and constitution, malinaw na nakasaad sa Section 6. Membership of the NSA in the POC shall cease: (a) Upon disbandment of the NSA; (b) Upon expulsion following a hearing given to the representative of the NSA, for the following reasons: Non-payment of annual subscription of the NSA, should such exist for three (3) consecutive years; Expulsion of the NSA by its IF; Infringement of the Articles of Incorporation and By-Laws of the POC or of the Olympic Charter.

Sa isyu ng pagbawi ng POC sa ibinigay na recognition sa membership ng NSA nakasaad sa Section 7. Expulsion of the NSA from the POC must be approved by the General Assembly by a three-fourths (3/4) vote of the entire voting membership. Section 8. Membership of the NSA in the POC may be suspended for whatever reasons as may be decided by a two-thirds (2/3) vote of the entire voting membership of the POC.

Nayurak ang mga naturang probisyon ng POC nang palitan ng LVPI ang PVF. Simula noong 2016 World Congress sa Argentina, ipinaglaban ng PVF ang karapatan, ngunit sa kabila ng paborableng desisyon ng FIVB, nagtaingang-kawali si Cojuangco.

Muling nagwagi si Cojuangco noong 2016 election, subalit, hindi niya natapos ang termino nang paboran ng local court ang petisyon ni boxing chief Ricky Vargas at ipag-utos na payagan itong tumakbo sa POC presidency na kanyang pinagwagihan sa isinagawang bagong election. Ngunit, agad din itong nagbitiw noong Hunyo 2019 ilang buwan bago ang hosting ng bansa ng SEA Games. Sa napagdesiyunan ng General Assembly nagsagawa ng election para punan ang nabakanteng posisyon na pinagwagihan ni Tolentino.

Mula kay Cojuangco, Vargas at ngayo’y kay Tolentino, hindi nabigyan ng pagkakataon na maresolba ang isyu ng PVF sa kabila nang hitik na mga dokumentong isinumite ni Cantada sa membership committee at naghuhumindig na katotohanan na wala itong nagawang pagkakamali at paglabag sa panuntunan ng POC.

Masasabing nagsisimula pa lamang tumayo ang liderato ni Tolentino dahil sa bagong mandato na nakamit sa isinagawang regular election sa POC, ngunit ang unang hakbang para maisakatuparan ang layuning mapanatili at maipatupad ang Olympic Charter sa Pilipinas ay nararapat na batay sa panuntunan na kinapapalooban ng pitong Olympic values : friendship, excellence, respect, courage, determination, inspiration at equality.

May pagkakataon si Tolentino na maitama ang mali ng nakaraan. At ang nais na pagkakaisa ay makakamtan kung mareresolba ang isyu sa PVF ng tama at pantay na pagtingin. Maibigay ang hustisya at pagtimbang sa katotohanan na nakapiring ang mga mata.

-Edwin G. Rollon