Dalawang lalaki, kabilang ang isang pulis na AWOL (absent without official leave) at isang miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik gang, ang napatay nang pagbabarilin ng apat na hindi nakikilalang lalaki habang sakay ng isang pampasaherong jeepney sa Sta. Cruz, Maynila kahapon ng umaga.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Reynaldo Nuque Jr., 40, dating pulis na nakatalaga sa Northern Police District (NPD), at taga-Gov. Pascual, Tugatog, Malabon City at Felizardo Pablico, 49, at taga-2757 Juan Luna St., Sta. Cruz, Maynila.

Nakatakas naman ang apat na suspek, lulan ng dalawang motorsiklo, bitbit ang mga armas na ginamit sa krimen.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD)- Homicide Section, ang krimen ay naganap sa Quezon Boulevard, sa Sta. Cruz, na sakop ng Barangay 310, dakong 10:00 ng umaga.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Sakay umano ng isang pampasaherong jeepney na may rutang Quiapo area ang mga biktima, nang biglang sumulpot ang apat na lalaking pawang nakasuot ng itim na jacket, helmet at facemask, sa kanang bahagi ng passenger jeepney at kaagad na pinaulanan ng bala ang mga biktima.

Sinasabing kapwa kalalaya lamang ng dalawa mula sa bilangguan dahil sa kasong panghoholdap nang isagawa ang pagpatay.

Patuloy pa ring imbestigasyon sa kaso.

-Mary Ann Santiago