Sinalubong ng Manila Electric Company (Meralco) ang taong 2021 ng taas-singil sa kuryente.
Sa abiso ng Meralco, magtataas ito ng 27 sentimo kada kilowatt hour (kwh) sa singil sa kuryente ngayong Enero.
Ang naturang price adjustment ay katumbas ng P55 na dagdag-bayarin para sa mga tahanang kumukonsumo ng 200 kwh kada buwan, P82 para sa nakakagamit ng 300 kwh kada buwan, P110 sa kumukonsumo ng 400 kwh at P137 naman para sa nakakagamit ng 500 kwh kada buwan.
Nilinaw naman ng Meralco, sa kabila ng kanilang pagtataas ng singil, ang overall rate nila ngayong Enero 2021 na nasa P8.7497/kwh, ay mas mababa pa rin ng higit sa 70 sentimo kumpara sa P9.4523/kwh overall rate noong Enero 2020.
“Despite the increase, this month’s overall rate is still more than P0.70 per kwh lower than January 2020’s rate of P9.4523 per kwh,” sabi ng nasabing kumpanya.
Idinahilan din ng kumpanya na ito ay dulot lamang nang pagtaas ng generation charge, na ngayong buwan ay umabot sa P4.4547/kwh o mas mataas ng P0.3058 kumpara sa generation charge na P4.1516/kwh noong Disyembre 2020.
-Mary Ann Santiago