ILANG dekada nang kinakalap ng opinion survey organization na Social Weather Stations (SWS) ang pananaw ng bansa sa iba’t ibang usapin. Ang resulta nitoy mahalagang interes sa mga pulitiko sa panahon ng halalan. Ngunit mahalaga rin ito sa anumang panahon ng taon lalo’t isinisiwalat nito ang iniisip ng mga tao at kanilang papanaw sa iba’t ibang isyu upang maging gabay ng mga opisyal ng bansa sa proseso ng demokratikong pamamahala.
Isang regular na survey na isinasagawa apat na beses sa isang taon mula noong 1984 ang hinggil sa pananaw ng tao kung inaasahan nilang aayos ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod na 12 buwan. Ang pinakabagong survey para sa ikaapat na bahagi ng tao ay isinagawa noong Nobyembre 21-25. Ang resulta: 44 na porsiyento ng 1,500 respondents ang nagsabing Oo, naniniwala sila na bubuti ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod na 12 buwan. Isang grupo ng 36 na porsiyento ang nagsabi naman na inaasahan nilang mananatali sa kasalukuyang estado ang kanilang buhay. At siyam na porsiyento ang nagsabing inaasahan nilang lalala pa ang kanilang kalagayan sa susunod na 12 buwan.
Isa itong napakahirap na panahon para sa bansa—kasama ng buong mundo –dahil sa COVID-19 pandemic. Sinapol tayo nito noong Marso, na nagtulak sa pamahalaan na magpatupad ng severe lockdown sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon.
Nagawang kumalat ng virus sa kabila ng restriksyon na ipinatupad ng pamahalaan na may iba’t ibang lebel sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Patuloy itong ipinatutupad sa Metro Manila at ilang bahagi ng bansa hanggang ngayon at kamakailan lamang ay muling pinalawig nang panibagong 30 araw hanggang sa pagtatapos ng Enero 2021.
Binago ng lockdown ang paraan ng ating pamumuhay sa maraming paraan. Isinara ang mga negosyo at opisina, simbahan, paaralan, hotel, kung saan maaaring magtipon ang mga tao at makahawa ng virus. Kanselado ang mga opisyal na holiday, pagdiriwang ng simbahan, at lahat ng uri ng selebrasyon. Mapalad tayo na niluwagan ang restriksyon upang makapagdiwang pa rin tayo ng Pasko at Bagong Taon bagamat marami pa ring limitasyon.
Gayunman, habambuhay ang pag-asa ng mga Pilipino sa harap ng pinakamahihirap na pagsubok. Makikita ito sa SWS survey noong Nobyembre, kung saan 44 porsiyento ng mga tao ang nagsabing umaasa sila sa mas maayos na buhay sa susunod na 12 buwan, kasama ng 36 porsiyento na walang inaasahang pagbabago, at tanging siyam na porsiyentong inaasahang lalala pa ang sitwasyon.
Sinukat din ng SWS ang “net personal optimism” ng mga respondents. Sa November poll, ikinokonsidera itong ”very high” sa plus-35, kumpara sa minus-19 noong Mayo, minus-10 noong Hulyo, at plus-2 noong Setyembre. Sa gitna ng lockdown, kasama ng mga restriksyon sa galaw ng tao, pagsasara ng mga negosyo at pagkawala ng mga trabaho, dagdag pa ang kanselasyon ng lahat ng serbisyo sa simbahan at mga pagdiriwang, ipinakikita ng quarterly surveys ang tuloy-tuloy na pagbuti ng ”personal optimism” ng mga tao.
Ang mga Pilipino, tulad ng lagi, ay patuloy na nakikita ang magandang bahagi ng isang masamang sitwasyon. Kaya naman sigurado tayo na malalampasan natin ang
COVID-19 pandemic at maayos natin itong mapagtatagumpayan.