Idiniin sa publiko ng Department of Justice (DOJ) na marami na rin daw inamin si Sen. Robin Padilla kaugnay sa naging pagtakas ni Sen. Ronald "Bato" dela Rosa sa Senado noong Mayo 14, 2026.
Matatandaang kamakailang isinapubliko ng pulisya ang CCTV footage kung saan mapapanood na sumakay sina Dela Rosa at Padilla noong madaling-araw ng Mayo 14 sa isang Fortuner na puti at may plakang “DAV 1225” na nakarehistro sa huling nabanggit.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato, 2:30 ng madaling-araw nakaeskapo sa Senado!—PNP
Base naman sa inilabas na press release ng opisina ni Padilla noong Mayo 22 na nakisakay lang daw si Dela Rosa sa kaniyang sasakyan at hindi niya raw itinakas ang kapuwa senador dahil wala naman daw humarang sa kanilang mga awtoridad.
“Wala namang warrant. Ayon mismo sa Senate President, wala ring local warrant. Kaya very relaxed kami,” ani Padilla.
Dagdag pa niya, “Ang sabi ni Sen. Bato, sasabay na ko. Alangan naming tanggihan ko yun? Walang sasakyan si Sen. Bato dahil inihatid lang sya sa Senado ng sasakyan ni Senador Alan Peter Cayetano.”
KAUGNAY NA BALITA: 'Walang humarang sa amin!' Sen. Robin, mariing tinangging tinakas niya si Sen. Bato
Sa naging pahayag ni DOJ Sec. Fredderick Vida sa isinagawa niyang press conference nitong Martes, Mayo 26, sinabi niyang marami na raw inamin sa publiko si Padilla at pag-aaralan daw ng kanilang prosecutors ang lahat ng naganap na maaaring magdala sa kanila sa konklusyon kung may nagawa bang krimen ang nabanggit na senador.
“Andami na niya pong inamin na ginawa niya,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Meaning our panel of prosecutors will study everything. We study everything that based on these admissions, based on this factual milieu or factual circumstances can lead to a conclusion that he or a person is probably guilty of a particular crime.”
Ani Vida, mananatili raw bukas ang DOJ kay Padilla o sa lahat ng mga Pilipino na maglalahad ng kanilang paliwanag para matulungan silang imbestigahan ang mga totoong pangyayari.
“The Department of Justice will always be open. Not only to victims or Filipinos seeking redress of their grievances,” aniya.
Saad pa ni Vida, “We are also open to anyone who will bring in or put forward facts and information that will help us fulfill our mandate.”
Anang Justice Secretary, huwag daw sanang kalimutan ng publiko na layunin nilang maipakulong ang lahat ng dapat ipakulong at tulungang malinis ang pangalan ng mga totoong walang kasalanan sa isang partikular na krimen.
“Tandaan n’yo, ang mandato ng Department of Justice, ipakulong ‘yong dapat ipakulong at i-exonerate ‘yong wala namang kasalanan. Pero ang basehan lang natin lahat [ay] datos at facts,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, reaksyon, o tugon ang kampo ni Padilla kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'As soon as possible!' DOJ, umapelang tanggalin lisensya ng mga baril ni Sen. Bato
KAUGNAY NA BALITA: DOJ, uusisain kay Atty. Jimmy Bondoc kinaroroonan ni Sen. Bato