Naglunsad ng artillery at mortar fires ang Joint Task Force Central sa pinagkukutaan ng teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiyah terrorist sa Lalawigan ng Maguindanao, iniulat kahapon.
Nagsilikas ang mga sibilyan upang makaiwas na madamay sa opensiba ng militar sa mga lugar na pinagkukutaan ng dalawang teroristang grupo.
Sinabi ni 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major General Juvymax Uy na target nila ang mga lugar kung saan nagtatago ang mga nasabing grupo.
Kabilang sa mga binomba ng militar ang SPMS Box at Liguasan Delta, ang mga liblib na lugar ng Shariff Saydona Mustapha, Datu Piang, Datu Salibo, Mamasapano, General Salipada K Pindatun (GSKP) at mga karatig bayan.
Sinabi sa report na may mga nasawi na at mga nasugatan na BIFF at inaal na ito ng militar.
Tiniyak naman ni MGen Uy ang seguridad at kaligtasan ng mga sibilyan sa kanilang operasyon laban sa mga terorista.
-FER TABOY