Nakatakdang bakunahan ang mga kongresista kasunod ng pagkakaroon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ng ilang mambabatas at ng kanilang staff.
Sa huling ulat, aabot na 98 indibidwal ang nagpositibo sa virus.
Sinabi ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza, sinisikap ng liderato ng Kamara na makakuha o makabili ng coronavirus vaccine para sa may 300 kongresista at mga empleado kapag ang bakuna ay available na.
Ang planong pagbabakuna aniya sa mga mambabatas at staffers ay gagawin ng Kapulungan matapos mag-positive ang 98 sa may 2,000 indibidwal na nagtatrabaho sa Kamara matapos sumailalim sa mass testing.
Sa kabila ng pagpopositibo ng 98 sa mga ito, sinabi ni Mendoza na walang coronavirus outbreak sa Kapulungan dahil ang COVID-19 ng mga mambabatas at empleado ay nakuha nila sa kani-kanilang komunidad at hindi habang nagtatrabaho sa Batasan Complex.
-BERT DE GUZMAN