Humihingi ng tulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso kaugnay ng problema ng gobyerno sa mga komunistang rebelde sa bansa.
Ito ang kinumpirma ni Senate President Vicente Sotto III kahapon matapos niyang makapulong ang pangulo upang talakayin ang mga usapin sa Communist Party of the Philippines (CPP) at sa armed wing nito na New Peoples’ Army (NPA).
“In a nutshell, he wanted the CPP/NPA problem solved,” paliwanag ni Sotto nang tanungin kaugnay ng mga tinalakay nila sa nasabing pagpupulong sa Malacañang nitong Martes.
Tumanggi na si Sotto na ibunyag pa ang iba pang impormasyon gayunman, sinabi niya na halatang humihingi ng tulong sa kanila ang pangulo kaugnay ng nasabing usapin. “It was also like a consultative meeting,” sabi ng senador.
Tumawa lamang aniya si Duterte nang banggitin nito sa pagpupulong ang panukalang i-criminalize ang red-tagging.
Bago pa maganap ang nasabing pagpupulong, tinanggihan na ni Sotto ang mga mungkahi ng Commission on Human Rights (CHR) at ilang human rights advocates na i-criminalize ang red-tagging ng mga aktibista at progresibong grupo.
Sinabi aniya nito, dapat na maghain ng reklamo sa korte na ang mga inaakusahang komunista.
“Eh ‘di file-an na lang ng libel,” ang bahagi ng pahayag ni Sotto sa idinaos na pagdinig ng Senate Committee on Defense nitong Martes kaugnay ng ginagawang red-tagging activities ng mga miyembro ng government security sector.
“That’s a food for thought for those offended being called ‘Reds,’ I don’t know why. Instead of having Congress discuss it and file a bill criminalizing red-tagging which, at this point, would be very difficult to do,” sabi pa nito.
-VANNE ELAINE P. TERRAZOLA