Isang 14-anyos na binatilyo ang napatay nang mapuruhan sa suntok ng isang 13-anyos na binatilyo rin, sa larong boksing sa Quiapo, Manila kamakalawa ng hapon.
Kinilala lamang ang biktima sa alyas na Karim, 14, ng Fraternal St., Quiapo, habang hindi na pinangalanan ang 13-anyos na suspek, na isang Grade 7 student, at residente ng Castillejos St., Quiapo.
Batay sa ulat ni PCpl. Rodolfo Acosta III ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong 5:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa Fraternal St..
Naging magka-match umano ang dalawang binatilyo sa larong boksing ngunit nang masuntok ng suspek sa mukha ang biktima ay napuruhan ito at bumagsak sa sementadong kalsada, at nawalan ng ulirat.
Kaagad na isinugod sa pagamutan ang bata, ngunit namatay.
Nasa kustodiya na ng MPD-Barbosa Police Station ang 13 anyos para sa kaukulang imbestigasyon.
-Mary Ann antiago