SA ikatlong sunod na taon, ang koponan ng Terrafirma ang may hawak ng top pick sa darating na PBA Rookie Draft.
Ang Dyip ang una muling pipili sa hanay ng mga rookies sa draft pool akaraang tumapos na pinakahuli sa 2020 PBA Philippine Cup bubble sa Clark, Pampanga.
Tumapos lamang ang Terrafirma na may 1-10, panalo-talong rekord kung saan halos nagsosolo silang binitbit ni Season 44 Scoring Champion at Rookie of the Year na si CJ Perez.
Susunod sa kanila at may hawak ng second pick ang NorthPort.
Parehas tumapos na may tig-isa lamang panalo ang Dyip at ang Batang Pier ngunit bumaba ang una sa 12th spot sa bisa ng win-over-the-other tiebreak dahil tinalo sila ng NorthPort, 107-96, sa kanilang duwelo noong Oktubre 24.
Ito ang unang pagkakataon na ang isang team ay magiging No.1 sa pilian sa loob ng tatlong magkakasunod na taon.
Sa katunayan, dapat ay pang-apat na sunod na ito kung hindi nila nai-trade ang no.1 pick nila noong 2017, kilala pa sila noon bilang Kia sa San Miguel Beer na pinili si Christian Standhardinger.
Noong mga naunang drafts,dalawang beses lamang na nagkaroon ang isang prangkisa o koponan na makapili ng magkasunod na taon at ito ay noong 2007 at 2008 kung saan pinili.nila sina Joe Devance at Gabe Norwood ayon sa pagkakasunod at noong 2009 at 2010 kung saan pinili naman ng Burger King/Air21 sina Japeth Aguilar at Nonoy Baclao.
Kasunod ng Terrafirma at NorthPort na pipili ay ang NLEX na siyang may-ari ng 3rd at 4th picks. Ang No.3 pick ay orihinal na para sa Blackwater na nalipat sanhi ng three-team trade na kinasasangkutan ni Poy Erram na napunta sa TNT noong Pebrero.
Kasama rin sa nasabing deal para sa Road Warriors sina Anthony Semerad, Rabeh Al-Hussaini at 2021 second round pick na nagdala naman sa Elite kina Ed Daquioag, Marion Magat, Yousef Taha, at dalawang future first round picks ng TNT.
-Marivic Awitan