SA pagwawagi ni ex-US Vice Pres. Joseph “Joe” Biden Jr. bilang pangulo ng United States laban kay US Pres. Donald Trump, umaasa ang Malacañang na magpapatuloy ang magandang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.
Nagpaabot ng pagbati si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD), kasama ang mga lider ng mga bansa, sa kanyang panalo sa US presidential election noong Nobyembre 3. Nangako si Mano Digong na lalong palalakasin ang ugnayan ng dalawang bansa.
Sa pamamagitan ni presidential spokesman Harry Roque, nagpahatid ng congratulatory message ang Pangulo kay Biden sa ngalan ng mga Pilipino. “The Philippines and the United States have long-standing bilateral relations and we are committed to further enhancing the relations with the United States under the Biden administration,” ani Roque.
Sinabi ni Roque na wala siyang nakikitang problema sa relasyon nina Duterte at Biden, dating Vice President ni ex-US Pres. Barack Obama sa loob ng walong taon. Ang Duterte administration ay umaasa sa mabuting ugnayan sa Biden administration “anchored on mutual respect, mutual benefit, and shared commitment to democracy, freedom and the rule of law.” Nawa’y mag-click ang dalawang Pangulo para sa kapakanan ng lahat.
Nakagawa ng kasaysayan sa pulitika si Sen. Kamala Harris nang siya nahalal na Vice President sa nakaraang eleksiyon. Siya ang kauna-unahang babae na naging Bise Presidente ng United States. Siya rin ang kauna-unahang black woman at Indian-American na vice president.
Sa Wilmington, Delaware, home state ni Biden, sinabi ni Kamala Harris na “Bagamat ako ang unang babae sa tanggapang ito, hindi ako ang magiging huli dahil ang bawat maliit na batang babae na nanonood ngayong gabi ay nakikitang sa bansang ito lahat ay posible.” Hinikayat niya ang mga babae na magsikap at makilahok.
Nangako si Harris na sisikapin niyang masugpo ang systemic racism sa US, at tulad ni Biden ay umapela sa mga Amerikano na magkaisa sa ilalim ng “bagong presidente na kumakatawan sa pinakamabuti sa atin.”
Sa kabilang dako, ang convicted drug lord na testigo ng prosecution laban kay Sen. Leila de Lima ay nag-recant o bumawi ng testimonya laban sa nakakulong na senadora. Sa pagdinig ng drug case sa Muntinlupa Regional Trial Court noong Biyernes, sinabi ni Vicente Sy na nakakulong saNew Bilibid Prisons (NBP), kailanman ay hindi niya nakatagpo o nagbigay siya ng pera kay De Lima.
Taliwas ang pahayag na ito sa naunang testimonya na nag-contribute siya sa senatorial campaign ni De Lima. Ayon sa abugado ng senadora na si lawyer Boni Tacardon, itinanggi ni Sy na siya ay nagkaloob ng P500,000 kay De Lima.
Si Sy ay kabilang sa 19 high-value inmates na umano’y maluhong naninirahan sa pagkakakulong sa NBP. Siya at apat pang drug convict ay tumestigo laban sa senador sa tatlong kaso ng droga na inihain ng Department of Justice.
May mga nagtatanong kung sa panalo ni Biden na isang Democrat, may posibilidad na luminaw ang kasong illegal drug trade ni De Lima at sa dakong huli ay payagan siyang makapagpiyansa. Ayon sa mga balita, ang Democrat administration ay mas malapit at mabait sa Pilipinas
-Bert de Guzman