Nakatakda nang isapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangalan ng mga corrupt na opisyal ng pamahalaan sa susunod na mga buwan.

Ito ang tiniyak kahapon ni Senator Lawrence Go kahapon.

“Alam ninyo, tuloy-tuloy po ‘yan, papangalanan ni Pangulo sa buwan na ito at sa susunod na buwan, tuwing may makakasuhan at masususpinde ang Ombudsman. Papangalanan niya po ito sa publiko para malaman po ng mga Pilipino kung sino ‘yung may mga kaso,” pagdidiin ng senador.

Dahil dito, binalaan ng senador ang mga opisyal ng gobyerno na pagbutihin ang kanilang trabaho at iwasan ang pagkakasangkot sa korapsyon.

Eleksyon

Marcoleta nagpapatulong sa mga botante: ‘Dalhin n’yo ako sa Senado!’

“Ngayon, kung ayaw ninyong pangalanan kayo, eh ‘di wag kayong pumasok sa korapsyon dahil tuloy-tuloy po ang kampanya namin ni Pangulo laban sa korapsyon,’’ pagbabanta nito.

Inihayag din nito na nais ni Duterte na kausapin ang mga nasuspinding mga opisyal ng Bureau of Immigration na umano’y nasasangkot sa systemic corruption.

“In fact, ‘yung mga nasuspendido na mga taga-Bureau of Immigration ay kanyang haharapin sa darating na Lunes at kanyang kakausapin. Naghihirap po ang mga Pilipino. ‘Wag naman pagsamantalahan pa. Sa kampanya laban sa korapsyon, talagang tutuluyan namin kayo ni Pangulong Duterte.’’

“Alam ninyo, mas marami pong mga matitinong mga Pilipino na gustong magtrabaho at maglingkod para sa ating bayan. ‘Yun po ang totoo kaya madaling maghanap ng matitinong tao na gustong maglingkod sa kapwa Pilipino,’’ dagdag pa ng senador

-MARIO B. CASAYURAN