BILANG karagdagang programa para matugunan ang ‘health and safety’ protocol na ipinatutupad ng pamahalaan, inilunsad ng Philippine Racing Club, Inc. ang mobile payment platform para sa mabilis at ligtas na pakikiisa ng bayang karerista sa lahat ng karera sa Santa Ana Park.
Ikinatuwa ni PRCI Executive Vice President at COO Santiago Cualoping III ang magiflang pagtanggap ng bayang karerista sa inilunsad na Mobile Offtrack Betting Facility (MOTB) nitong Miyerkoles (Oct. 28) kung saan umabot sa 1,000 ang kumuha ng kanilang mga accounts sa loob lamang ng ilang oras.
“The MOTB replaces the traditional United Tote system,” pahayag ni Cualoping.
Tunay na kaginhawaan ang sistema kung saan magagawang makilahok sa programa ng PRCI at makukuha ang tinamaan na premyo sa pamamagitan ng bank transfer (BDO, Union Bank) at G-cash.
Iginiit ni Cualoping na maraming pamamaraang teknikal mula sa modernong Sistema ang kanilang pinag-aralan, subalit mas pinili nila ang MOTB dahil matutugunan nito ang pangangailangan ng industriya matapos ipahayag ng Philippine Racing Commission (Philracom) ang paglimita sa mga mananaya sa off-track betting stations.
Aniya, ang PRCI’s mobile betting platform ay aprubado ng dalawang ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa industriya ng karera sa bansa – ang Philracom (regulation) at Games and Amusements Board (GAB) (betting).
Nitong Oktubre 28, sa sulat ni GAB Chairman Abraham Mitra sa PRCI, pinayagan ng GAB Board ang naturang mobile betting platform para sa forecast, trifecta, quartet, Daily Double Plus One, Pick 4, Pick 5, Pick 6, at Winner Take All pools.
Katuwang ng 83-year old racetrack company ang Bizooku Philippines, Inc. para makuha ang serbisyo ng NorthAlley India Pvt. Ltd., — isang ISO-certified firm – para sa pagbuo ng ‘application’s creation and support’ gamit ang makabagong teknolohiya, kabilang ang ‘cloud computing and blockchain’.
Kumpiyansa si Cualoping na matutugunan ng MOTN system ang pangangailangan ng PRCI, higit sa katotohanan na pitong racing club sa India ang nago-operate gamit ang NorthAlley’s totalizator mula noong 2017.
“We need to disrupt the industry by injecting new technology,” pahayag ni Cualoping.
Para sa bayang karerista, maaring makapagrehistro para sa MOTB sa motb.prci.com.ph at sundan ang PRCI report sa Facebook para sa karagdagang detalye.