Babawasan ng Kamara ang budget na inilaan sa mga departamento at ahensiya na sangkot sa kurapsyon.
Ito ang tiniyak ni Rep. Eric Yap (ACT-CIS Party-list), chairman ng House committee on appropriations.
Ang hakbang ng mga kongresista ay bunsod na rin ng pagkakadismaya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y laganap na kurapsyon sa ilang tanggapan ng gobyerno, gaya ng Bureau of Internal Revenue , Bureau of Customs, Bureau of Immigration at Land Regulatory Authority at Department of Public Works and Highways.
Sa idaraos aniya na bicameral conference committee hearing tungkol sa P4.5 trilyong national budget, magpapasok siya ng institutional amendments upang kaltasan ang mga departamento na sangkot sa kurapsiyon.
“I will suggest in the bicam to cut the funds of agencies that are filled with corruption,” banta ni Yap.
Aniya, ang kanyang komite ay magsasagawa ng sariling pagsisiyasat hinggil sa kurapsiyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan bilang bahagi ng oversight power ng Kamara.
Kaugnay nito, sinabi ni Speaker Lord Allan Velasco na hands-off ang Kapulungan sa pag-iimbestiga sa mga kongresista na umano’y kasabwat ng ilang pinuno ng DPWH sa katiwalian.
-Bert de Guzman