Ipinag-uutos ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes ang pagto-tow at pagbibigay ng ticket sa mga sasakyang illegal na naka-park sa kahabaan ng EDSA White Plains Ave, sa kasagsagan ng malawakang “surprise rally” ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument ngayong Martes, Hunyo 30.
Batay pa sa pahayag ng MMDA, ang pagto-tow at pagtitiket sa mga sasakyang ito ay isasagawa nila sa pakikipagsanib-pwersa sa Philippine National Police (PNP).
Sa kasagsagan ng rally, tiniyak ng MMDA na activated na ang kanilang Emergency Operations Center (EOC) upang matiyak ang kanilang mabilis na aksyon at koordinasyon sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
Bukod pa sa pagtutok ng mga kaganapan sa EDSA, binabantayan din ng MMDA ang sitwasyon sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Tiniyak din ng ahensya na naka-preposition at naka-standby ang kanilang mga sasakyan upang magsakay ng mga pasaherong maaaring maapektuhan ng malawakang pagtitipon.
Sa kaugnay na ulat, inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na tuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng EDSA Busway stations sa kabila ng pagsikip ng daloy ng trapiko sa EDSA.
MAKI-BALITA: EDSA Busway stations, tuloy-operasyon sa gitna ng INC rally