July 06, 2026

Home BALITA Metro

EDSA Busway stations, tuloy-operasyon sa gitna ng INC rally

EDSA Busway stations, tuloy-operasyon sa gitna ng INC rally
Photo courtesy: MB, Office of the Chief PNP/FB


Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) nitong Martes, Hunyo 30, na tuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng EDSA Busway stations sa gitna ng biglaang kilos-protesta na ikinasa ng religious group na Iglesia ni Cristo (INC) sa People Power Monument.

Kaugnay ito sa suportang inihayag ng INC kay Sen. Rodante Marcoleta, na siyang kakasuhan umano ng non-bailable plunder case ng Office of the Ombudsman (OMB) hinggil sa umano’y ₱75 million campaign donations na iniuugnay dito noong 2025 national elections.

KAUGNAY NA BALITA: INC, nagtataka bakit kakasuhan si Marcoleta-Balita

Batay sa anunsyo ng DOTr, asahan din daw ang pagbagal ng daloy ng trapiko bunsod ng naturang kilos-protesta.

“Nananatiling tuloy-tuloy ang operasyon ng lahat ng EDSA Busway stations sa kabila ng pagsikip ng daloy ng trapiko sa EDSA dahil sa nagaganap na rally sa People Power Monument ngayong araw,” saad ng DOTr.

“Asahan ang pagbagal ng daloy ng mga bus sa bandang Ortigas Northbound, dahil isang lane pa lang ang nadadaanan ng mga sasakyan sa ngayon,” dagdag pa nila. “Mabagal din ang daloy ng mga bus mula Santolan hanggang Ortigas Southbound.”

Ayon naman kay DOTr Sec. Giovanni Lopez, mas pinaigting na nila ang deployment ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) sa lahat ng mga istasyon upang matulungan at masaklolohan ang mga maaapektuhang motorista at komyuter sa nasabing rally.

Inihayag din ng Philippine National Police (PNP) na patuloy ang “close monitoring” nila patungkol sa kilos-protesta ng INC rally sa EDSA.

MAKI-BALITA: PNP, patuloy na binabantayan 'surprise rally' sa EDSA-Balita