Umaapela si Manila Mayor Isko Moreno sa mga Manilenyo na iwasan muna ang pagdaraos ng mga parada o prusisyon sa lungsod habang wala pang pinal na desisyon hinggil sa pagdaraos ng tradisyunal na Traslacion sa pista ng Itim na Nazareno sa Enero 2021.
Ayon kay Moreno, mahirap kasing pigilan ang mga tao na makibahagi sa mga parada o prusisyon na nakaugalian na nila.
Nangangamba ang alkalde na kung magkakaroon ng mga prusisyon ay baka ikapahamak lamang ito ng mga mamamayan dahil sa posibilidad na mauwi ito sa hawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nilinaw rin ni Moreno na sang-ayon naman ang mga lider ng simbahan sa kanyang panawagan lalo na at para naman ito sa kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayan.
Matatandaang noong nakaraang buwan ay nagkaroon ng prusisyon para sa Itim na Nazareno sa Quiapo ngunit may mga pumuna dahil sa paglabag sa health protocols partikular ang pagbabawal sa mass gatherings at kawalan ng social distancing.
Samantala, kinumpirma ni Moreno na sa Huwebes ay muling magpupulong ang lokal na pamahalaan ng Maynila at pamunuan ng Simbahan ng Quiapo para pag-usapan at pagplanuhan ang Traslacion 2021.
Pero batay aniya sa inisyal na pag-uusap nila noong nakaraang linggo, ay “it’s a no-no” ang prusisyon para sa Itim na Nazareno kung mayroon pa ring banta ng COVID-19 o mataas pa rin ang bilang ng mga kaso.
Kung mababa naman aniya ang COVID-19 cases at kayang makontrol, maaaring tuloy ang okasyon ngunit dapat ay mayroong bagong diskarte na gagawin para matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng publiko.
-Mary Ann Santiago