Pinaalalahanan ni Vice President Sara Duterte ang mga rider at motorista bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Land Transportation Safety Month ngayong buwan ng Mayo.
Ayon sa inilabas na video statement ni VP Sara sa kaniyang Facebook page nitong Martes, Mayo 5, 2026, idiniin niyang isang prebilihiyong may kaakibat na malaking responsibilidad ang pagmamaneho.
“Sa ating mga drivers at riders, tandaan na ang ating pagmamaneho ay isang pribilehiyo na may kaakibat na malaking responsibilidad,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Hindi lang buhay ninyo ang nakataya, kundi ang buhay ng bawat pamilyang naghihintay sa inyong pag-uwi.”
Aniya pa, kaya raw mahalagang matutunan ng mga motorista ang pagkakaroon ng disiplina bilang susi sa kanilang kaligtasan sa gitna ng pagbiyahe.
Paglalatag ng Bise, dapat daw masunod ng mga motorista at rider ang “BLOW BAGETS” na nangangahulugang tiyakin ang mga baterya, lights, oil, water, brakes, air, gas, engine, at sarili bago lumabas ng tahanan at bumiyahe o pumarado pagkagaling sa lansangan.
“Bago pumarada o bumiyahe, ugaliin ang ‘BLOW BAGETS’—suriin ang inyong Battery, Lights, Oil, Water, Brakes, Air, Gas, Engine, Tires, at higit sa lahat, ang inyong sarili,” saad niya.
Ani VP Sara, pinupuri daw niya ang ahensya ng Land Transportation Office (LTO) at mga volunteer motorcycle group sa pangunguna ng mga isinasagawa nilang seminar at kampanya para sa ligtas na pagmamaneho.
“Ang inyong pakikilahok sa mga road safety seminars at vehicle inspections ay patunay ng inyong pagmamahal sa kapwa,” ‘ika niya.
Paalala pa niya, “To our riders, never forget your helmets. To our motorists, avoid distractions and never drink and drive.”
Pagtatapos ng Bise, dapat din daw na bigyang-halaga ang kaligtasan ng mga pedestrian at kabataan sa kalsada sa pamamagitan ng pagpapakita ng disiplina at respeto sa buhay ng kapuwa habang nagmamaneho.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Diokno, sinagot kung bakit mahalaga ang impeachment sa gitna ng problema