MAS lalaki ang utang ng gobyerno sa susunod na dalawang taon dahil sa pangungutang nito upang ma-augment ang war chest o kabang-yaman laban sa matagal na epekto ng COVID-19 pandemic. Ito ang paniniwala ng Fitch Ratings, isang international debt watcher.
Sinabi ni Sagarika Chandra, associate director for Asia-Pacific sovereigns sa Fitch, ang pangkalahatang government debt-to-gross domestic product (GDP) ratio ay tataas sa 48 porsiyento sa taong ito at magiging 50 porsiyento sa 2022.
Sa pinakahuling datos na ni-release ng Department of Finance (DOF), lumilitaw na ang consolidated general government debt, kabilang ang sa pambansang gobyerno, social security institutions, Central Bank Board of Liquidators at local government units (LGUs), ay umabot sa P6.65 trilyon o 34.1 porsiyento ng GDP noong 2019 mula sa P6.28 trilyon o 34.4 porsiyento noong 2018.
Ang debt-to-GDP ratio ay isang indicator na ginagamit ng mga nagmamasid sa utang o debt watchers para masuri ang debt sustainability ng Pilipinas. Ang pagdami o paglaki ng utang ng pamahalaan ay maliwanag na bunsod ng mababang revenue o kita at mas malaking spending o paggastos. Grabe ang pinsala na dulot ng COVID-19. Milyun-milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho at libu-libo naman ang nagsara ng negosyo at operasyon.
Muling nanawagan ang mga pinuno ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na payagang damihan ang mga taong papapasukin sa simbahan, lalo na sa darating na Simbang Gabi.
Sinabi ni Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, aapela ulit sila sa IATF na pahintulutang makadalo ang mga tao na pumasok sa loob ng simbahan mula sa 10 ay gawing 30. Aniya, ang pagdami ng mga mananampalataya sa loob ng simbahan, ay makahihikayat sa mas maraming tao na makinig ng misa. Matagal na silang hindi nakapagsisimba.
Ayon naman kay Manila apostolic administrator Bishop Broderick Pabillo, sila ay nakikipag-ugnayan ngayon sa IATF para pahintulutang lakihan ang kapasidad sa loob ng simbahan. Magwawalong buwan na sapul nang ideklara ang enchanced community quarantine (ECQ) kung kaya hindi nakapapasok ang mga mananampalataya sa loob ng simbahan para makinig misa at makapag-komunyon. Nakikinig na lang sila ng misa sa TV o radyo.
Hindi ba ninyo naoobserbahan na laging ang may “huling salita” ay si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa ano mang gulo o kontrobersiya sa Kongreso. Maliwanag na si Mano Digong ang may “last words” sa labanan sa liderato ng Kamara nina ex-Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Namagitan siya noon sa hatian o term-sharing agreement nina Cayetano at Velasco sa Speakership. Ito ang tinatawag na 15-21 o 15 buwan si Cayetano bilang speaker at 21 buwan naman si Velasco. Pero, parang ayaw tumupad ni Cayetano sa Usapang-Lalaki, kaya muling kumilos si PRRD dahil naaantala ang pagpapatibay sa P4.5 trilyong national budget na gagamitin sa pagtugon sa COVID-19 at pag-aangat sa lupaypay na ekonomiya ng bansa.
Inihalal ng mga kongresista si Velasco at pinatalsik si Cayetano. Nagpatawag ng special session ang Pangulo para maipasa sa tamang panahon ang pambansang budget. At bilang may “huling salita” o “last words,” pinagtibay ng Kamara ang P4.5 trilyong national budget para sa 2021. Tapos ang boksing!
-Bert de Guzman