Nakakulong ngayon ang binatang guwardiya matapos umanong gahasain ang kapatid na dalagita sa Taguig City, kahapon.
Nahaharap ngayon sa kasong rape o paglabag sa Republic Act 8353 ang 28-anyos na suspek na taga-Bayan-Bayanan, San Pedro, Laguna.
Dinakip ang suspek nang ireklamo ni Ella (hindi tunay na pangalan), 17, na umano’y ginahasa nito.
Sa ulat ng Southern Police District, ang insidente ay naganap sa isang bahay sa Ambal Street, Bgy. Western Bicutan sa nasabing lungsod, dakong 12:00 ng madaling araw.
Naghuhugas ng pinagkainan ang biktima nang lapitan ng nakatatandang kapatid na suspek at hinawakan umano ito sa maseselang parte ng katawan bago ginahasa.
Agad namang nagsumbong ang biktima sa isa pang kapatid na lalaki na humingi naman ng tulong ng pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya ang suspek.
Bella Gamotea