Pinaalalahanan ni Senador Win Gatchalian ang mga paaralan na maging mahigpit sa pagpapatupad ng mga alternative work arrangements at health protocols upang mapanatili ang kaligtasan ng mga guro at kawani ngayong nagbukas na ang klase.
Idinahilan nito, hindi maiiwasan ang paglabas-labas nila para mamigay ng learning modules o baka kailanganin nilang pumasok sa kanilang mga eskwelahan.
Inilabas ng senador ang reaksyon nang maiulat na 10 na guro sa isang high school sa Ilagan City, Isabela ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos dumalo sa isang pagpupulong.
Dalawang mag-aaral din ang naiulat na nagpositibo sa COVID-19. Ang naturang lungsod ay nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine hanggang ngayong araw.
Iginiit nito na dapat magsilbing aral sa mga opisyal ng mga paaralan na itaguyod ang kaligtasan ng mga guro, kawani, at mga mag-aaral upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.
-LEONEL ABASOLA