Nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang apat na kasapi ng Abu Sayyaf Group sa dalawang magkahiwlay na pagsalakay sa Zamboanga City, iniulat kahapon.
Ayon kay PNP chief Gen. Camilo Cascolan, nadakip nitong Biyernes, Oktubre 9, ng pinagsanib na puwersa ng Police Regional Office 9, Special Action Force at CIDG si Kadija Sadji, ang logistic officer ng grupo at malapit kay ASG leader Mundi Sawadjaan.
Kasamang nahuli sinabAbdulman Sarrapudin at Jailani Al-Rafee Sakandal. Si Sakandal ay aktibong miyembro ng Philippine Coast Guard na may ranggong Apprentice Seaman. Nakuha sa kanila ang mga matataas na kalibre ng baril, IED, IED components at isang ISIS flag.
Naaresto rin kahapon ng pulisya katuwang ang Western Mindanao Command sa Zamboanga City si Hassan Mohammad alyas “USI,” senior leader ng ASG na sangkot sa kasong kidnap for ransom. Sinasabing malapit siya kay Radulan Sahiron at kasamang nagtatago ni Sawadjaan.
Pinuri ni Cascolan ang anti-terror unit ng PNP sa pamumuno ni BGen. Edgar Monsalve sa matagumpay nitong operasyon.
Naniniwala si Cascolan na hirap na ang grupo ni Sawadjaan dahil sa pagkaaresto sa mga pangunahing lider ng grupo
-FER TABOY