Mahigit P600 milyon ang inilaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa wildlife protection.
Layunin nitong maiwasan ang panghuhuli ng mga endemic at endangered plant at animal species sa bansa.
Kinumpirma ni DENR-Biodiversity Management Bureau Director and Assistant Secretary Ricardo Calderon sa pagdinig sa panukalang P25.5 bilyong budget ng DENR para sa 2021, na dahil sa COVID-19 lockdowns, tumaas ang demand ng mga nahihilig sa pag-aalga ng mga halaman o mga tinatawag na “plantitos at plantitas.”
“‘Yun pong ating programa sa wildlife kasama po ‘yun sa ating protected area management na kung saan meron po tayong P643 million for 2021 sapagkat dito po sa ating mga protected area, dito po ang gene pool ng ating mga endemic flora and fauna kaya po ang mga habitat natin pinoproteksyunan natin at pinapangalagaan natin,” ayon kay Calderon. Aniya, may 107 legislated protected areas sa buong bansa na sumasakop sa 7.2 milyong ektarya ng lupain. Kasabay nito, binalaan ni Calderon ang publiko laban sa pangunguha ng plant species sa naturang mga lugar dahil mahaharap sila sa multa at pagkakulong sa paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act. Sa ilalim ng Wildlife Resources Conservation and Protection Act, walang sino man ang pwedeng mangalaga ng wildlife maliban kung mapatunayan niya na siya ay mayroong financial at technial capability at pasilidad para ito ay palaguin. Sa pagdinig, tinanong ni Senador Nancy Binay ang DENR kung may sapat itong budget para pondohan ang kampanya na nagbibigay kaalaman sa publiko kung anong species ang pinapayagan o ipinagbabawal na kolektahin.
Sinagot ni Calderon na naglaan sila ng P78M pondo para sa information education campaign ng regional offices, subalit hindi ito sapat. Noong Agosto, nagpanukala ang Bureau of Plant Industry ng guidelines para i-regulate ang lumalagong ornamental plant industry sa bansa.
-BETH CAMIA