Sinibak ng Philippine National Police (PNP) sa puwesto ang hepe ng kanilang Custodial Service Unit na si Lt. Col. Jigger Noceda matapos ireklamo ni dating Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog ng tangkang panggagahasa kamakailan.
Bukod sa nasabing kaso, isinampa rin ng PNP-Women and Children Protection Center ang kasong acts of lasciviousness, unjust vexation, at paglabag sa Republic Act No. 11313 (Safe Spaces Act of 2019) laban kay Noceda.
Ang nasabing mga kaso ay iniharap sa Quezon City Prosecutor’s Office nitong Oktubre 7 bunsod na rin ng reklamo ni Parojinog.
Kinumpirma rin ni PNP spokesman Col. Ysmael Yu na isinailalim na si Noceda sa restrictive custody ng PNP Headquarters Support Service (HSS) habang iniimbestigahan ang kaso.
“We will wait for the result of the investigation (on the) PNP custodial incident. There are already columns released regarding this (but) the PNP will stand its ground to have a clearer view through (an) investigation which is now in process by the WCPC (Women and Children Protection Center WCPC).
The Chief PNP (General Camilo Pancratius Cascolan) strongly stressed that this act is not a virtue of a police being responsible, respected, and disciplined. It will be dealt with accordingly,” ayon sa kanya.
Sa testimonya ni Parojinog, inakusahan niya si Noceda na dinikdik siya nito sa pader at pinaghahalikan matapos itong ipatawag sa kanyang opisina nitong nakaraang Hunyo 9.
Bago ang unang insidente, sinulatan umano ni Parojinog si Noceda kung saan itinatanong nito kung kailan ito pinapayagang tumanggap ng bisita matapos luwagan ang community quarantine restrictions na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito aniya ang dahilan nang pagtawag sa kanya ni Noceda sa opisina nito.
Ang ikalawang insidente aniya ay naganap nang makipagpulong ito kay Noceda kaugnay ng update ng kinakaharap na kasong may kinalaman sa illegal drugs, nitong Setyembre 7.
Pagkatapos ng ikalawang insidente, pinatawag na naman umano ni Noceda ang biktima sa kanyang opisina at matapos ang kanilang pag-uusap ay dinikdik na naman umano siya nito sa pader at pinaghihipuan.
Tinanong din umano siya ni Noceda kung mabubuntis pa ito gayunman, kaagad itong pinaalis nang sabihan niya ito na may nakakita sa kanila.
Pagkatapos aniya ng insidente, lumiham umano si Parojinog sa pamunuan ng PNP na nagresulta sa pagsasailalim sa imbestigasyon kay Noceda hanggang sa ito ay sibakin sa posisyon.
Matatandaang ikinulong si Parojinog sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City matapos ang madugong anti-illegal drug raid sa compound ng pamilya nito sa Ozamiz City noong Hulyo 30, 2017 na nagresulta sa pagkasawi ng ama nito na si dating Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, ina nito at 13 iba pa.
-Martin A. Sadongdong