Napilitan ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) na suspindihin ang kanilang train operations matapos na masunog ang Santolan Station nito sa Pasig City kahapon ng umaga.
Ayon kay Light Rail Transit Authority (LRTA) spokesperson Atty. Hernando Cabrera, ang sunog ay tumama sa uninterruptible power supply (UPS) ng LRT-2, na matatagpuan sa basement ng Santolan station dakong 5:10 ng madaling araw.
Paliwanag ng opisyal, ang UPS ay isang mahalagang link o koneksiyon sa pagitan ng revenue line at control center ng LRT-2.
Aniya, sa sandaling hindi na nakikita ng control center ang operasyon ay awtomatiko na itong puputulin dahil maaari aniyang magresulta ito sa hindi magandang pangyayari.
Bahagi rin aniya ito ng kanilang ipinatutupad na safety protocols.
Sinabi nito na dalawang opsiyon ang tinitingnan ngayon ng maintenance at engineering personnel ng LRTA upang maibalik ang operasyon ng rail line.
Kabilang aniya dito ang pag-power up sa dugtungan sa pagitan ng revenue line at control center sa pamamagitan ng generator set, o di kaya ay mag-secure ng panibagong power source.
Target naman aniya nilang ma-power up ito sa loob ng maghapon upang makapag-operate ng ligtas ang mga tren ng LRT-2 at mapagsilbihan pa ang kanilang mga pasahero pagsapit ng hapon.
Sa pagtaya ni Cabrera, may 14,000 pasahero ang apektado ng suspensiyon ng operasyon ng kanilang mga tren kahapon ng umaga.
Tiniyak rin ni Cabrera na nagsasagawa na sila ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng insidente.
-Mary Ann Santiago