Tuluy na tuloy na bukas, Oktubre 5, ang pagbubukas ng School Year 2020-2021 sa bansa kahit pa nananatili pa rin ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Agad namang tiniyak ng Department of Education (DepEd) na handang-handa na sila para sa pagbibigay ng blended distance learning sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.
Ang nasabing National School Opening Day Program ay sisimulan ng DepEd sa pamamagitan ng isang nationwide simultaneous flag-raising ceremony, dakong 7:30 ng umaga.
Ang programa ay pangungunahan mismo ni DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones. Inaasahan namang magbibigay si Briones ng inspirational message sa mga guro at mag-aaral.
“Ito ay selebrasyon, ito ay declaration of victory. A declaration of continuity of education whatever challenges we are facing. Education will continue, and [our] children will continue learning, and [our] parents will continue supporting us. Our government, our teachers, all of us are involved in this effort and this will be the biggest victory of all at this time of the pandemic,” aniya pa.
Matatandaang unang Lunes pa ng Hunyo sana ang pagsisimula ng klase ngunit ipinasya ng DepEd na gawin na lamang itong Agosto 24 dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa datos ng DepEd, mayroon nang mahigit sa 24 milyong mag-aaral ang papasok para sa School Year 2020-2021.
-Mary Ann Santiago