July 25, 2026

Home BALITA National

Hugot ni Rep. Romualdez: 'Huwag mong iyakan ang mga bagay na nawala!'

Hugot ni Rep. Romualdez: 'Huwag mong iyakan ang mga bagay na nawala!'
Photo courtesy: Martin Romualdez (FB)

Nagbahagi ng isang mapagnilay at makahulugang mensahe si Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez tungkol sa pagharap sa kabiguan, pagtanggap sa mga pagsubok, at paniniwalang may mas magandang plano ang buhay para sa bawat isa.

Sa kaniyang post, sinabi ni Romualdez na karaniwan umanong iniisip ng marami na katapusan na ng lahat kapag may pagkakataong hindi natuloy ang isang bagay na matagal nilang pinangarap o pinaghirapan.

“Akala natin kapag sumara ang pinto, dulo na ng mundo. Masakit tanggapin ang pagkabigo, lalo na kung ibinigay mo naman ang lahat,” ani Romualdez.

Gayunman, hinikayat niya ang publiko na tingnan ang mga kabiguan sa ibang perspektibo at huwag agad mawalan ng pag-asa.

Ayon sa kaniya, may mga pagkakataong ang nararanasang pagtanggi o pagkabigo ay hindi parusa kundi isang paraan upang mailayo ang isang tao sa landas na hindi para sa kanya.

National

Kahandaan ng PNP sa SONA: 'Almost 100% na tayo!'

“Pero subukan mong tignan sa ibang anggulo: paano kung ang rejection na nararanasan mo ngayon ay hindi parusa, kundi proteksyon?” saad niya.

Dagdag pa niya, maaaring inililihis lamang ang isang tao sa maling direksyon upang maituro sa mas tamang daan na nakalaan para sa kanya.

“Paano kung inilalayo ka lang sa daan na hindi para sa iyo para ihatid ka sa mas tamang direksyon?” aniya.

Binigyang-diin din ng House Speaker na hindi dapat panghinayangan nang labis ang mga bagay na nawala o hindi natupad dahil maaaring may mas magandang oportunidad o kwentong naghihintay sa hinaharap.

“Huwag mong iyakan ang mga bagay na nawala; may mas magandang kwento na inihahanda para sa iyo,” mensahe ni Romualdez.

Kalakip ng post ang isang maiksing video clip kung saan sinasabing sa kabila ng maingay na mundo, may isang lugar daw na ligtas ang lahat at panatag, at ito raw ay pananampalataya sa Diyos. 

Ito raw ang nagsisilbing angkla sa bawat unos na dumarating sa buhay. 

Umani naman ng iba't ibang reaksyon mula sa mga netizen ang naturang post, kung saan marami ang nagsabing nakapagbigay ito ng inspirasyon at pag-asa sa mga kasalukuyang humaharap sa mga pagsubok at kabiguan sa buhay.

Hindi naman tinukoy ng mambabatas kung para saan o para kanino ang pinatutungkulan ng kaniyang post.

Kamakailan lamang, muli siyang binanatan ng "Peanut Gallery Media Network (PGMN)" founder at CEO na si Franco Mabanta, kung saan muling iginiit ng media personality na hindi sila titigil sa pagtatanong at pag-uulat tungkol sa umano’y mga isyung may kaugnayan sa korapsyon.

Naging laman ng mga balita si Mabanta matapos dakpin ng National Bureau of Investigation (NBI) noong gabi ng Martes, Mayo 5, 2026, dahil sa umano'y tangkang pangingikil kay Romualdez.

Nakapagpiyansa naman si Mabanta para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.

Maki-Balita: Franco Mabanta, PGMN kay Rep. Martin Romualdez: 'We are not backing down!'