Naglabas ng matapang na pahayag ang "Peanut Gallery Media Network (PGMN)" founder at CEO na si Franco Mabanta laban kay Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez, kung saan muling iginiit ng media personality na hindi sila titigil sa pagtatanong at pag-uulat tungkol sa umano’y mga isyung may kaugnayan sa korapsyon.
Sa isang mahabang social media post at anunsyo ng kaniyang programa nitong Huwebes, Hunyo 11, sinabi ni Mabanta na ang kaniyang pagharap sa kamera bilang anchor ay isa sa pinakamahalagang pahayag na ginawa niya sa kaniyang buhay.
Ayon kay Mabanta, tatalakayin niya sa naturang episode ang umano’y mga akusasyong kinaharap niya, kabilang ang paratang ng extortion, gayundin ang mga prinsipyo at paninindigang aniya’y pinagbabatayan ng kanilang media network.
Binigyang-diin din niya na nananatiling pangunahing hamon para sa bansa ang isyu ng korapsyon at pananagutan ng mga nasa kapangyarihan.
Sa kaniyang mensahe, direkta niyang tinukoy si Romualdez at iginiit na hindi umano uurong ang kanilang grupo sa pagtalakay sa mga usaping kanilang kinukuwestiyon.
“We are not backing down. We are not looking away. We are not changing course,” ani Mabanta.
Kasabay nito, hinimok niya ang publiko na suriin ang mga pangyayari batay sa mga ebidensiya, rekord, at sariling pagsasaliksik sa halip na umasa lamang sa mga komento sa social media.
Nagbitiw rin si Mabanta ng iba’t ibang alegasyon laban sa dating House Speaker at iginiit na dapat umanong managot ang mga opisyal ng gobyerno kapag may mga seryosong katanungan hinggil sa kanilang paggamit ng kapangyarihan.
Kahit na may ilang mga pinagtutuunan daw ng public attention ngayon kagaya ng gulo sa Senado at impeachment proceedings laban kay VP Sara, hindi raw dapat kalimutan ang isyu tungkol kay Romualdez.
"You can hope all you want, Martin, for the collective national attention to focus on the senate wars or the energy crisis or the impeachment proceedings—praying to your daily demons that we all turn our heads away from your superabundance of heinous crimes—but the facts remain clear:"
"The Office of the Ombudsman has referenced you as the 'Master Plunderer'; the Sandiganbayan has said that you are the 'Purported Mastermind' of Philippine corruption; Boying Remulla has denied all requests from you to flee the country; the government of US President Trump has already eviscerated your diplomatic and tourist visas; Mayor Leni and the Pinks are adamantly insisting on TRUE accountability; Vice President Sara Duterte and the DDS will never EVER forgive you for what you did to her and to them; and President Marcos’ powerful/moral decision—not just to cut all ties with you—but to strictly forbid anyone at the Palace from speaking to you anymore, and in any capacity, has set the stage for what may determine the rest of your life," mababasa pa rito.
Gayunman, mahalagang tandaan na ang mga pahayag na ito ay mga alegasyon at opinyon ni Mabanta at ng PGMN. Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pinal na desisyon mula sa hukuman na nagpapatunay sa mga paratang na binanggit laban kay Romualdez.
Ayon kay Mabanta, itinatag ang PGMN sa paniniwalang walang politiko, bilyonaryo, o makapangyarihang pamilya ang dapat maging higit sa pananagutan sa publiko.
Aniya, patuloy nilang isusulong ang kanilang kampanya para sa transparency, freedom of speech, at accountability sa pamahalaan.
Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, sinabi ni Mabanta na hindi pa umano tapos ang usapin at ipinahiwatig na maglalabas pa sila ng mga susunod na ulat at pahayag kaugnay ng kanilang mga alegasyon laban sa dating House Speaker.
Matatandaang kamakailan lamang, naging laman ng mga balita si Mabanta matapos dakpin ng National Bureau of Investigation (NBI) noong gabi ng Martes, Mayo 5, 2026, dahil sa umano'y tangkang pangingikil kay Romualdez.
Maki-Balita: 'We are innocent. This was setup!' Franco Mabanta, nagsalita matapos dakpin ng NBI dahil kay Romualdez
Nakapagpiyansa naman si Mabanta para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.
Sa oras ng paglalathala ng balitang ito, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Romualdez bilang tugon sa mga pinakahuling akusasyong ibinahagi ni Mabanta.
Maki-Balita: KILALANIN: Sino si Franco Mabanta at bakit siya tinugis ng awtoridad?