June 18, 2026

Home BALITA Probinsya

Lalaki, tinodas at tinadtad ng stepfather!

Lalaki, tinodas at tinadtad ng stepfather!
Photo courtesy: Unsplash

Nauwi sa madugong insidente ang umano'y pagtatalo ng 62-anyos na stepfather sa kaniyang 45-anyos na stepson, sa Barangay Naulayan, Matag-ob, Leyte nitong Linggo, Hunyo 14, 2026.

Kinilala ng pulisya ang biktima sa alyas na “Nilo,” habang ang suspek ay si alyas “Des,” kapwa residente ng nasabing barangay.

Ayon sa imbestigasyon, nakatanggap ng ulat ang mga awtoridad mula sa isang concerned citizen tungkol sa insidente. Pagdating ng mga rumespondeng pulis sa lugar, tumambad ang duguang katawan ng biktima na may maraming tama ng taga.

Lumabas sa pagsusuri na nagtamo ang biktima ng 31 sugat na dulot ng pananaga, na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Batay sa paunang imbestigasyon, nakainom umano ng alak ang biktima at tinangkang tagain ang isang aso. Sinubukan siyang awatin ng kaniyang stepfather ngunit hindi umano siya nakinig at sa halip ay nagalit pa.

Probinsya

Lalaki, sinaksak ng isang menor de edad habang nasa lamay!

Sinasabing nauwi sa komprontasyon ang sitwasyon nang tagain umano ng biktima ang suspek. Gayunman, nagawa umanong maagaw ng suspek ang hawak na itak at ginamit ito laban sa biktima.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang 24-pulgadang itak na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Kaagad namang naaresto ng mga awtoridad ang suspek matapos ang insidente.

Nahaharap na ito sa kasong homicide at kasalukuyang nakadetine sa Matag-ob Municipal Police Station habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.