Binalaan ng Department of Justice (DOJ) ang mga corrupt na opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hintayin pa ang sunud-sunod na kasong isasampa laban sa mga ito kaugnay ng malawakang korapsyon sa ahensya.
Ito ang reaksyon ni DOJ Secretary Menardo Guevarra kasunod na rin ng isinampa nilang patung-patong na kaso sa Office of the Ombudsman laban kay dating PhilHealth President at Chief Executive Officer Ricardo Morales at iba pang senior officials ng ahensya, nitong Biyernes ng hapon.
Banta ni Guevarra, simula pa lamang aniya ng kanilang laban ang naturang pagsasampa nila ng kaso laban sa mga corrupt na opisyal ng PhilHealth.
Kabilang sa mga pinaiimbestigahan sa Ombudsman ay sina Executive Vice President Arnel deab Jesus, Senior Vice President Renato Limsiaco, Senior Vice President Israel Francis Pargas at Vice Presidents na sina Greorio Rulloda, Imelda Trinidad de Vera, Lolita Atuliao, Gemma Sibucao at Lailani Padua.
Sa letter of complaint na iniharap sa anti-graft agency, pinapanagot ang mga nabanggit na opisyal kaugnay ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (republiuc Act 3019), malversation of public funds or property, paglabag sa Sections 251, 255 at 272 ng National Internal Revenue Code at Section 4 ng National internal Revenue Code at Section 4 ng Republic Act 1051.
Ipinaliwanag naman ni DOJ Undersecretary Adrian Ferdinand Sugay, sakop ng iregularidad sa Philhealth ang kuwestyunableng pagkakaloob ng cash advances sa health care institutions sa National Capital Region sa ilalim ng kontrobersyal na interim reimbursement mechanism (IRM).
Beth Camia