Binira naman ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco si House Speaker Alan Peter Cayetano kaugnay ng patuloy na bangayan ng mga ito sa usaping ng pagka-House Speaker.
Sa kanyang Facebook account, binanggit ni Velasco na dahil lamang umano sa personal agenda ni Cayetano ay naaantala ang pagtalakay at agarang pagpapatibay sana sa national budget kung saan nakapaloob ang pondo para sa pagtugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Nagsasagawa aniya si Cayetano ng “political maneuverings” at “theatrics” sa halip na pagtuunan ng atensyon ang pag-aapruba sa pambansang budget.
Nagkakaroon aniya “pangho-hostage” si Cayetano sa P4.5 trilyong national budget sa layuning manatili sa pagiging lider ng Kamara.
Kaugnay nito, sinabi ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na kaalyado ni Cayetano, nagmungkahing i-ipostpone muna ang deliberasyon ng budget noong Miyerkules, maipapasa nila sa ika-2 pagbasa ang budget bago mag-recess ang Kongreso sa Oktubre 17.
Itinanggi ni Defensor na ang pagsuspinde sa pagtalakay sa budget noong Miyerkules na si Cayetano ay nagtalumpati at nag-alok ng pagbibitiw bilang speaker, ay sinadya para “i-hostage” ang nabanggit na national budget.
Kaugnay nito, sinabi ni Velasco na hindi dapat pang ma-delay ang pagpapatibay sa budget. “I call on my colleagues to continue our work and pass the budget on or before October 14. This is the commitment we’ve made before the president, and this is our responsibility to our constituents , to deliver to them a fair and equitable budget,” ayon pa kay Velasco.
Matatandaang sa hatian ng termino kung saan si Pangulong Rodrigo Duterte ang namagitan, mauupong Speaker si Cayetano sa loob ng 15 buwan at papalitan siya ni Velasco na hahawak sa timon ng Kapulungan sa loob ng 21 buwan o hanggang Hunyo 2022.
-Bert de Guzman