Tahasang inihayag ni Speaker Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules na tiyak na matatalo si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kapag nagkaroon ng botohan sa Speakership sa Kamara.
Batay aniya sa Konstitusyon, ang isang kandidato ay dapat magkamit ng majority mula sa mga kasapi ng Kapulungan para mahalal na Speaker.
Sina Cayetano at Velasco ay may kasunduan sa hatian ng termino bilang lider ng Kamara matapos mamagitan si Pangulong Rodrigo noong Hulyo 2019.
Alinsunod sa kasunduan, hahawakan ni Cayetano ang puwesto sa loob ng 15 buwan at papalitan siya ni Velasco sa Oktubre 2020 hanggang Hunyo 2022.
Tinupad ni Duterte ang term-sharing agreement nang pulungin niya sa Malacañang ang dalawa.
Nagkasundo na bababa si Cayetano sa Oktubre 14, gayunman nais ng Pangulo ay manatili siya hanggang Disyembre.
Ayon kay Cayetano, tinanggihan ito ni Velasco.
Samantala, sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na ipinababahala na ngayon ng Pangulo sa mga kongresista kung sino ang kanilang gustong maging Speaker.
Matatandaang nag-alok ng resignation si Cayetano bilang puno ng Kapulungan. Gayunman tinanggihan ito ng mga mambabatas sa botong 184-1 na may 9 abstention.
-Bert de Guzman