July 25, 2026

Home BALITA National

Paliwanag ng SC sa photocopy ng dokumento bilang ebidensya sa korte, muling kinalkal

Paliwanag ng SC sa photocopy ng dokumento bilang ebidensya sa korte, muling kinalkal
Photo courtesy: MB File Photo

Muling ni-reshare ng mga netizen ang inilabas na paglilinaw ng Korte Suprema patungkol sa maaaring paggamit sa photocopy ng mga dokumento bilang ebidensya sa korte, sa ilang mga pagkakataon.

Nag-ugat ito sa pagsita ni defense counsel Atty. Carlo Narvasa sa ilang mga inilahad na ebidensya ng prosecutor na si Atty. Amando Ligutan, na pawang photocopy raw, sa naging paglilitis sa ikaapat na article of impeachment ni Vice President Sara Duterte—ang grave threats laban kina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos, at Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.

Muling binalikan ng mga netizen ang social media post sa opisyal na Facebook page ng Supreme Court of the Philippines noong Mayo 9, 2025, kung saan, sinasabi ng SC na maaaring tanggapin bilang ebidensya sa korte ang duplicate o photocopy ng isang orihinal na dokumento—maging ito man ay nasa papel o electronic form—basta't walang tunay na pagdududa sa pagiging tunay ng orihinal o hindi magiging hindi patas ang paggamit ng kopya.

Ito ang naging pasya ng First Division ng Korte Suprema sa desisyong isinulat ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo sa kasong "People of the Philippines v. Ybo Lastimosa."

Pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol ng Court of Appeals na nagkakasala si Ybo Lastimosa sa kasong pagpatay kay Ildefonso Vega Jr., matapos mapatunayang siya ang bumaril sa biktima sa ulo, sa labas ng isang sabungan sa Cebu City.

National

Kahandaan ng PNP sa SONA: 'Almost 100% na tayo!'

Sa paglilitis, tumestigo ang mga nakasaksi sa insidente, gayundin ang asawa ni Vega na nagsabing patay na ang kaniyang mister nang matagpuan niya ito sa ospital.

Bilang suporta sa testimonya, iniharap ng prosekusyon ang photocopy ng death certificate ni Vega na nagpapatunay na namatay ito dahil sa tama ng bala.

Gayunman, kinuwestiyon ni Lastimosa ang paggamit ng naturang photocopy. Iginiit niyang hindi umano sapat ang ebidensyang ito dahil hindi naiharap sa hukuman ang orihinal na death certificate at hindi rin umano ito napatunayang tunay sa pamamagitan ng paghahambing sa orihinal.

Hindi ito kinatigan ng Korte Suprema.

Ipinaliwanag ng SC na sa ilalim ng Rule 130, Section 4(c) ng 2019 Revised Rules on Evidence, ang duplicate ng isang dokumento ay maaaring ituring na katumbas ng orihinal at tanggapin bilang ebidensya, maliban na lamang kung may tunay na isyu sa pagiging authentic ng orihinal o kung magiging hindi patas ang paggamit ng duplicate.

Binigyang-diin din ng Korte Suprema na ang panuntunang ito ay sumasaklaw hindi lamang sa mga dokumentong nasa papel kundi maging sa mga electronic documents, bilang pagkilala sa makabagong panahon kung saan ang mga duplicate ay kadalasang kasing-maaasahan ng mga orihinal.

Gayunpaman, nilinaw ng SC na kahit maaaring tanggapin ang photocopy bilang ebidensya, ang bigat o halaga nito ay nakadepende pa rin sa iba pang ebidensyang sumusuporta rito.

Sa kaso ni Lastimosa, sinabi ng Korte Suprema na sapat ang photocopy ng death certificate, kasama ang testimonya ng asawa ng biktima at iba pang eyewitnesses, upang mapatunayan na si Vega ay namatay dahil sa tama ng bala at na si Lastimosa ang may pananagutan sa krimen.

Dahil dito, pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na reclusion perpetua laban kay Lastimosa at inatasan siyang magbayad ng kabuuang ₱275,000 bilang civil indemnity at iba pang danyos sa pamilya ng biktima.

Photo courtesy: Screenshots from Supreme Court of the Philippines (FB)