Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ititigil ang operasyon ng Facebook sa bansa matapos nitong alisin ang tinukoy niya bilang mga advocacy accounts at pages ng gobyerno nitong nakaraang linggo.

Ginawa ni Duterte ang pahayag matapos na burahin ng Facebook ang dalawang network ng pekeng mga Facebook account na ginamit upang linlangin ang mga tao. Halos 155 sa mga pekeng account na ito ang natunton sa Fujian, China habang 57 pa ang naiugnay sa militar at pulisya ng Pilipinas.

Sa kanyang pahayag sa publiko nitong Lunes ng gabi, sinabi ni Pangulong Duterte na kasama sa Facebook ang ilan sa mga account ng gobyerno na ginamit upang turuan ang mga tao tungkol sa banta ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Tanong ng Pangulo, ano ang saysay ng Facebook sa Pilipinas kung hindi hahayaan ang gobyerno na makapagsulong ng mga adbokasiya? “Facebook, listen to me. We allow you to operate here, hoping that you can help us also,” wika niya. “Now if the government cannot espouse or advocate something which is for the good of the people, then what is your purpose here in my country?” dagdag niya. Ayon sa Pangulo, hindi niya alam kung ano ang gagawin sa Facebook kung patuloy na itataguyod ang rebelyon na isinusulong ng mga makakaliwang grupo.

National

'Pekeng' doktor na tumuli sa namatay na 10-anyos, dati na raw nabilanggo

“You know Facebook, insurgency is about overturning government. What would be the point of allowing you to continue if you cannot help us?” aniya pa? Ayon kay Duterte, na naging Pangulo dahil sa kanyang kasikatan sa mga social media network tulad ng Facebook, walang sinumang maaaring magdikta sa gobyerno kung ano ang maaari at hindi magawa nito. “Ito na lang-- tell me kung bakit hindi ko magamit [ang Facebook] para sa kapakanan ng taumbayan. If the government cannot use it for the good of the people, then we have to talk. We have to talk sense,” aniya.

“You cannot lay down a policy for my government. I allow you to operate here. You cannot bar or prevent me from espousing the objectives of government,” dagdag niya.

Sa isang pahayag nitong nakaraang linggo, sinabi ng Facebook na tinanggal ang nasabing mga account dahil sa paglabag sa patakaran nito laban sa foreign o government interference na may coordinated inauthentic behavior sa ngalan ng foreign o government entity.

-Beth Camia