Nag-alok muli si Pangulong Rodrigo Duterte na magbitiw sa tungkulin matapos magpahayag na sawa na siya sa matagal na kurapsyon sa gobyerno.
Sa pahayag sa bansa nitong Lunes ng gabi, inamin ng Pangulo na nahihirapan siyang labanan ang katiwalian sa burukrasya, na sinasabing walang natatanaw na katapusan.
“Ewan ko kung sabihin ko ito sa inyo --- I offered to resign as President. Pinatawag ko ‘yung lahat ng… Sabi ko na I have --- kasi nagsasawa na ako,” wika ni Duterte.
“Talagang wala ng katapusan itong corruption. Mahirap talaga pigilin,” dagdag niya.Ikinalungkot ni Duterte na maging ang sinasabing “pastillas” bribery scandal na sumasabog sa Bureau of Immigration ay nagpatuloy sa kabila ng nagpapatuloy na imbestigasyon.
“Maski ‘yang mga pastillas, hanggang ngayon. Even with the investigation or the clamor for government to be --- I said to shake the tree, wala. Sige hanggang ngayon, it’s being committed everyday,” sinabi niya.
Aminado si Duterte, isang dating alkalde at prosecutor sa Davao City, na mahirap na ihinto ang katiwalian sa gobyerno.
“Ngayon, maaari mo ba itong pigilan? Hindi mo kaya. Walang paraan,” aniya.
Noong 2018, sinabi ng Pangulo na nagmumuni-muni na siyang bumaba sa posisyon, inamin na nagsawa na siyang labanan ang katiwalian sa gobyerno. Sinabi ni Duterte na nagdududa siya kung maaari niyang matanggal ang “endemic corruption” sa burukrasya.
-Beth Camia at Genalyn Kabiling