Nanawagan kahapon ang isang health expert na dapat ay panatilihin pa rin ng pamahalaan ang general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila sa kabila ng pagbaba ng bilang ng nahahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Inihayag ni Dr. Tony Leachon, dating adviser ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infactious Disease (IATF-EID), maaari pa ring tumaas ang bilang ng kaso ng virus sa National Capital Region (NCR) kapag luwagan pa lalo ang ipinaiiral na health protocol.
Tanging hiling nito sa gobyerno, panatilihin sa GCQ ang rehiyon hanggang sa Oktubre upang maging masaya ang pagdiriwang ng Pasko sa bansa.
“Ang numero naman natin ay gumaganda, ‘Yung reproductive number, normal dapat less than 1. Sa buong Pilipinas, less than 0.82. Sa NCR is 0.73. So these are good numbers,” aniya.
Nangangahulugan aniya na mawawala na sa lalong madaling panahon ang nasabing virus.
“Though may improvement sa numbers, ang request ng Metro Manila mayors, ang gusto nila, mailagay muna sila sa GCQ ng isang buwan para maisaayos nila ang kanilang pagkukulang sa testing at contact tracing, para sa ganun maganda ang Pasko. Kasi kung luluwag ngayon, lahat okay na, permissive socio-economic activities, tapos alam naman natin ang cultural quotient ng Pilipino, pag may event lang naglalabasan na, baka magka-surge ito, at aabot sa Christmas season,” dagdag pa ni Leachon.
Nitong Sabado, pormal nang isinumite ng University of the Philippines OCTA Research Team ang kanilang rekomendasyon sa IATF para sa isa pang buwan na GCQ sa Metro Manila.
-GABRIELA BARON