Iniimbestigahan na ng House Committee on Agriculture and Food sa pamumuno ni Quezon 1st District Rep. Wilfrido Mark Enverga ang pagkabalam ng irrigation projects ng National Irrigation Administration (NIA) na nagkakahalaga ng P20.704 bilyon.
Isinagawa ang hakbang batay na rin sa report ng Commission on Audit (COA) na nagsasabing ang pagpaplano at implementasyon ng mga proyekto ay hindi sinunod kung kaya ang 299 irrigation projects na nagkakahalaga ng P20.704 bilyon, ay dumanas ng pagkabalam.
Sa pagharap nito sa pagdinig ng komite, sinabi ni NIA Administrator Ricardo Visaya na ang konstruksiyon ng mga proyekto sa patubig ay naapektuhan dahil sa implementasyon ng ECQ sa bansa, kakulangan o pagtaas sa presyo ng construction supplies, mga isyu sa right of way, pagkabalam sa pagpapalabas ng Environmental Compliance Certificates (ECC), insureksiyon, pagkaantala sa pagre-release ng budget ng Department of Budget and Management (DBM).
Dahil dito, inirekomenda naman ni Isabela 1st District Rep. Antonio Albano ang pagtataas sa budget ng NIA sa 2021 para sa mga proyekto nito na mahalaga sa seguridad ng pagkain sa bansa, lalo sa panahon ng coronavirus disease 2019.
Bert de Guzman