Pinagtibay ng House appropriations committee ang panukalang P4.5-trilyong national budget para sa 2021 matapos ang dalawang linggo.

Sinabi ni Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado, vice chairman ng komite, na tatalakayin na nila ang General Appropriations Bill sa susunod na linggo. Target ng liderato ni Speaker Alan Peter Cayetano na ipasa ang pambansang budget sa Oktubre bago siya bumaba sa puwesto.

Ayon kay Sy-Alvarado, ipinasiya ng komite na aprubahan ang budget bill na P4.5 trilyon na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM), bagamat may mga plano na i-adjust ang ilang items, gaya ng pagtataas sa pondo ng Department of Health (DOH) at ng Hudikatura.

Ipinasiya ng komite na tapusin na ang mga pagdinig kahit hindi pa natatapos ang deliberasyon sa panukalang budget ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) dahil kinukuwestiyon ito ng mga miyembro ng Makabayan bloc.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Tutol ang Makabayan bloc sa hinihinging P1.59 bilyong budget ng PCOO dahil hindi nila nagustuhan ang pahayag ni Undersecretary Lorraine Badoy laban sa kanila bilang mga komunista sa kanyang social media posts.

Nais ng anim na kasapi ng bloc na magbitiw si Badoy na siya ring spokesperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Nagmatigas si Badoy sa kahilingan ng Makabayan bloc, at sinabing magre-resign lang siya kung kokondenahin ng militant solons ang kalupitan at karahasan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) at manawagan silang sumuko ang exiled CPP founder na si Jose Maria Sison.

Sa lahat ng ahensiya ng gobyerno, tanging ang PCOO ang hindi natapos ang deliberasyon sa budget. Ang isyu sa PCOO ay sa plenaryo na lang pag-uusapan, ayon kay Sy-Alvarado.

-Bert de Guzman