Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nasisimulan sa Pilipinas ang clinical trial para sa anti-flu drug na Avigan bilang lunas sa sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ipinaliwanag ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na ang pagkaantala ng naturang clinical trial ay dahil sa pagsasaayos ng ilang legal na dokumento para rito.

Umaasa ang DOH na mapapasakamay ang mga dokumento sa susunod na linggo para masimulan na ang clinical trial ngayong buwan.

“We are just waiting for the finalization of the documents, ‘yung clinical trial agreement at saka ‘yung iba pang mga documents,” ani Vergeire, sa isang online forum.

Politics

Pulong, balak itapat ni VP Sara kay Romualdez sa House Speakership?

“Yung clinical trial agreement we are still waiting that these be signed by the chancellor of UP Manila so hanggang ngayon nasa kanila pa rin... Ito na lang clinical trial agreement ang ating hinihintay, so hopefully by next week we can have this already.”

Sinabi noon ng DOH na plano nilang simulan ang clinical trial ng Avigan noong Agosto, ngunit naipagpaliban ito ng Setyembre 1, at hanggang ngayon ay hindi pa rin ito natutuloy.

Sinabi naman ni Food and Drug Administration (FDA) director general Eric Domingo, na ang pag-aaral sa Avigan ay inaprubahan noon pang Hulyo.

Ayon kay Domingo, ang preliminary results ay maaring makita na sa kalagitnaan ng trial.

Maaari rin aniyang makatulong sa pagpapabilis ng registration process ng naturang gamot sa Pilipinas ang progreso ng clinical trials nito sa Japan.

Paliwanag ni Domingo, kung conclusive na ang clinical trials sa Japan, maaari nila itong gamitin para sa pagrerehistro ng naturang produkto dito sa Pilipinas.

Ang Avigan clinical trial sa bansa, tatagal ng siyam na buwan, ay inaasahang lalahukan ng may 100 pasyente sa mga piling pagamutan, kabilang ang Philippine General Hospital, Sta. Ana Hospital, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at Quirino Memorial Medical Center.

-Mary Ann Santiago