Kinumpirma ni Manila Mayor Isko Moreno na ang patuloy na hakbang ng pamahalaang lungsod sa pakikidigma laban sa pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay nakatanggap ng suporta sa pamahalaan ng Taipei, sa pamamagitan ni Rep. Peiyung Hsu ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO) sa Pilipinas.
Nag-donate ang TECO ng 15,000 medical masks sa lokal na pamahalaang lungsod nitong weekend kasabay nang pangakong magkakaloob pa ng iba pang uri ng tulong sa mga ginagawang paraan ng lungsod upang masugpo ang COVID-19.
Si Moreno ay sinamahan nina Vice Mayor Honey Lacuna, Secretary to the Mayor Bernie Ang at 3rd District Councilor Atty. Jong Isip sa pagtanggap ng donasyon na ibinigay ni Representative Peiyung Hsu, kasama si Kenway Tan na kumatawan sa alkalde ng Taipei.
Ang pagbibigay ng donasyon ay ginawa sa Manila City Hall, kung saan pinasalamatan ng mga nasabing local official ang TECO sa pinagkaloob na donasyon.
Ayon naman kay Ang, ang donasyon ng TECO ay pagpapahayag ng kanilang tiwala at suporta kina Moreno at Lacuna at sa kanilang hakbang kontra pandemya.
-Mary Ann Santiago