HALOS dalawang taon na lang ang nalalabi sa termino ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Sinisikap ng Pangulo na makapag-iwan ng pamana (legacy) sa sambayanang Pilipino na makatutulong sa pag-angat ng kalagayan nila sa buhay.
Walang duda, sinsero si Mano Digong na tuparin ang mga pangako niya noong 2016 presidential elections kung kaya ibinoto siya ng mahigit sa 16 milyong Pinoy. Naitumba niya ang mga sikat na pambansang politiko sa panguluhan, tulad nina ex-DILG Sec. Mar Roxas at Sen. Grace Poe.
Sa huling balita, inaprubahan niya ang pagsasampa ng kaso laban sa ilang opisyal ng PhilHealth na sangkot umano sa multi-bilyong pisong pondo na dapat ay gamitin sa mga pasyente ng COVID-19, pero sa halip ay napunta lang sa bulsa diumano ng mga tiwali at timawang pinuno. Anyway, may pagkakataon namang ipagtanggol ang mga sarili. Ayaw ni PRRD ng illegal drugs at kurapsiyon.
Tapos na ang termino ni PRRD sa 2022. Ngayong halos 20 buwan ang nalalabi bago ang halalan, may political aspirants ang naglalatag ng mga plano kung paano sila mananalo. Ang mga pulitikong may pera at makinarya ay abala sa pagkausap sa mga lider sa kanayunan at nangangalap ng feedbacks sa dapat gawin para magwagi.
Ang iba ay naniniwala sa mga survey na umano’y pulso ng taumbayan. Ang surveys ay naging bahagi na ng eleksyon sa Pilipinas mula pa noong 1950s, bagama’t medyo kaunti, isolated at limitado pa lang ang naging scope o lawak at saklaw ng paggamit nito, ayon sa mga pag-aaral.
Dakong 1986 ay umusbong ang maraming survey group, tulad ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia. Hanggang ngayon ay hindi pa ako natatanong o nakakapanayam ng dalawang survey outfit na ito kung kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin ako lubos na naniniwala sa survey-survey.
Bukod sa SWS at Pulse Asia, kamakailan ay may sumulpot na isa pang survey group, ang Issues and Advocacy Center (IAC) na naglabas ng resulta sa ginawang survey na tinawag na “Pulso ng Pilipino,” na sumukat ng satisfaction and popularity ratings ng mga local chief executives (mga mayor) sa Metro Manila noong Hulyo 3-Agosto 6, 2020.
Kung maniniwala kayo sa AIC survey, nakakuha si Pasig City Mayor Victor ‘Vico’ Sotto ng pinakamataas na 91%; si Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso ay 84%, si Valenzuela Mayor Rexlon ‘Rex’ Gatchalian ay 81% at si Pateros Mayor Miguel ‘Ike’ Ponce III ay 76%. Nasa pang-apat na puwesto si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, kung saan ay 79% ng mga respondents ang nagsabing kuntento sila sa performance ni Mayora Emi sa nagdaang 364 na araw.
Si Mayor Emi ang tanging babaeng mayor na napabilang sa Top 5 Mayors ng Metro Manila sa survey. Ito marahil ay dahil ‘ang mga babaeng lider ay naging mas mahusay ang pagtugon sa COVID-19 kumpara sa mga lalaking lider,’ ayon sa mga pagsasaliksik sa performance ng 194 bansa laban sa pandemya.
Si Mayora Emi ay isa sa iilang lider na maagap ang pagtugon sa pandemya, at noon pa lang buwan ng Pebrero, agad siyang bumuo ng Task Force laban sa pagkalat ng COVID-19. Dahil dito, hanggang nitong Setyembre 9, nasa 4,290 cases lang ang active COVID-19 patients sa Pasay kumpara sa 9,005 cases sa Maynila.
Bago naging alkalde, si Ms. Emi ay 3-termer Congresswoman ng Pasay City. May nagmumungkahing tumakbo si Yorme Isko sa panguluhan sa 2022. Ang iba naman gustong si Vico Sotto ang tumakbo. Sabi ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko: “Aba hindi pa ubra si Vico. Kulang pa siya sa edad.” Sabad ni Senior jogger: “Tama, bata pa siya. Dapat ay manligaw muna siya at mag-asawa para magkaapo sina Vic Sotto at Coney Reyes.” Tugon ko naman: “Aba, may ipina-partner sa kanyang lady Mayor sa Tarlac, maganda at bata pa. Sige Vico, sugod na!”
-Bert de Guzman