Isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang pagrepaso sa pagpapatupad ng Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) upang matiyak na napapangalagaan ang kapakanan ng mga guro sa mga pampublikong paaralan.
Sa kanyang Senate Resolution No. 522, kailangang matukoy ang mga pagkukulang, mga hamon, at iba pang mga isyu sa pagpapatupad ng naturang batas na layong itaguyod ang kapakanan ng mga guro.
Bagama’t mahigit limampung (50) taon na ang nakararaan simula nang ipatupad ang batas, pinuna ni Gatchalian na hindi lahat ng probisyon nito ay naipatutupad.
Kabilang dito ang libre at taunang medical examination bago sumabak ang mga guro sa pagtuturo. Bagama’t may ganitong probisyon ang Magna Carta, hindi nakapaglalaan ng halaga sa taunang budget para sa check-up at pagpapagamot ng mga guro.
Ayon kay Gatchalian, mas nabigyang-diin ang kakulangang ito sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na ngayo’y nagbabanta sa kalusugan at kaligtasan ng mga guro sa pagpapatupad ng distance learning.
Leonel Abasola