Napabilang sa prestihiyosong “2026 Top Creators” ng Forbes magazine ang Filipino-Canadian nurse at content creator na si John Dela Cruz, na kinikilala rin online bilang “Nurse John.”
Batay sa website ng Forbes noong Martes, Hunyo 23, si Nurse John ay nasa ika-28 ng listahan.
Mula sa pagiging nurse, naging content ni Nurse John sa social media, at ngayon, sa stand-up comedy, ang hospital burnout experience.
Dahil bago tahakin ang mundo ng content creation at pagpapatawa, si Nurse John ay nagtrabaho bilang frontline nurse sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic.
Sa mga panahong ito, naging “coping mechanism” niya ang pag-popost ng iba’t ibang contents sa TikTok upang maibsan ang stress mula sa ospital.
Sa kasalukuyan, tinatayang $7.2 milyon ang naitalang kinikita ni Nurse John sa kaniyang contents, batay pa sa Forbes.
Bilang stand-up comedian naman, ang “Short-Staffed Tour” ni Nurse John ay nakapagtala na ng higit 250,000 ticket sales simula noong 2024, kabilang dito ang sold-out runs sa mga bansang Australia at New Zealand.
Sa unang bahagi ng 2026, umabot sa 22 shows ang pinagdausan ng Short-Staffed Tour sa iba’t ibang bansa sa Europa, na agad-agad ding na-sold out.
Ayon pa sa Forbes, lumabas din si Nurse John sa iba’t iba pang comedy shows at festival tulad ng “Netflix Is a Joke,” “New York Comedy Festival,” at “Just for Laughs.”
Sa kaugnay na ulat, naipakita na rin ni Nurse John sa ilan niyang contents na ipinanganak at lumaki siya sa Bulacan bago lumipad sa Canada.