Inalmahan ng dating Court Sheriff na si Abe Andres ang pagkakasama sa pangalan niya bilang isa sa mga tetestigo umano sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Si Andres ang lalaking minsan nang nag-viral matapos siyang pagsusuntukin ni VP Sara noon siya ay alkalde pa lamang sa Davao City.
Sa pamamagitan ng isang Facebook post nitong Biyernes, Hunyo 26, 2026, ibinala ni Andres ang kaniyang kasalukuyang posisyon sa Supreme Court at iginiit na huwag na raw siyang idamay sa anumang "partisan" sa usaping pampolitika.
"Please do not involve me in any PARTISAN political matters. I have been appointed in the Supreme Court as a Human Resource Management Officer, a second level position," ani Andres.
Saad pa niya, "It is my position ever since to refuse to comment on the incident when I was holding a first level position, particularly, Sheriff IV of the Regional Trial Court. The media reports are self explanatory."
Batay sa pre-trial brief na inihain ng mga prosecutor sa Kamara, kabilang si Abe Andres sa walong testigong inaasahang magbibigay ng testimonya kaugnay ng mga alegasyon laban kay Duterte, kabilang ang umano’y pagbabanta laban sa buhay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan.
KAUGNAY NA BALITA: Court sheriff na sinapak noon ni VP Sara, pinatetestigo sa impeachment trial!
Ayon sa House prosecution team, mahalagang bahagi ng kanilang ebidensiya ang testimonya ni Andres upang suportahan ang kanilang argumento na may potensyal umano si Duterte na gumamit ng karahasan.
Ayon pa sa kanila, makatutulong ito upang maipakita ang kabuuang lawak ng mga alegasyong naging batayan ng impeachment complaint laban sa bise presidente.
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni VP Sara hinggil sa pagkakadawit ni Andres bilang testigo umano laban sa kaniya.