Sinuspindi ng Office of the Ombudsman ang 89 na barangay chairman kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa anomalya sa pamamahagi ng unang bugso ng Social Amelioration Program (SAP).
Ito ang inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at sinabing resulta ito ng inihain nilang reklamo sa anti-graft agency.
Dahil dito, inatasan na ni Año ang lahat ng alkaldeng sumasaklaw sa nasabing mga kapitan na agad na ipatupad ang anim na buwan na suspension. Ang nasabing preventive suspension ay may petsang Setyembre 2.
Ikinatwiran naman ng Ombudsman, malakas ang ebidensya ng pagkakasala ng 89 na kapitan kaugnay ng isinampa sa kanila na “serious dishonesty, grave misconduct, abuse of authority, at conduct prejudicial to the best interest of the service” na gumagarantiya ng pagkakatanggal nila sa serbisyo. Sinabi ng Ombudsman, ipinasya nilang suspendihin muna ang mga ito upang hindi maimpluwensyahan ang kanilang kaso at ito ay alinsunod na rin sa Republic Act No. 6770.
Inihayag naman ni DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya, na ang nasabing mass suspension ay unang naitala sa kasaysayan ng Pilipinas. Karamihan sa mga nasabing opisyal ay mula sa Region 1, Metreo Manila at Region 2
Nangako naman ang DILG na hindi sila titigil hangga’t hindi natatanggal ang mga kurakot na opisyal ng pamahalaan kaugnay ng pagpapatupad ng SAP.
-Chito Chavez