June 28, 2026

Home BALITA National

PBBM, open sa pagpapababa ng criminal responsibility—Palasyo

PBBM, open sa pagpapababa ng criminal responsibility—Palasyo
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB


Kinumpirma ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na bukas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa ideyang pababain ang edad para sa criminal responsibility.

Kasunod ito ng malagim na school shooting incident na naganap sa San Jose National High School sa Tacloban City noong umaga ng Lunes, Hunyo 22, kung saan sangkot ang dalawang menor de edad na kumitil sa buhay ng tatlong mag-aaral.

Sa ginanap na press briefing ng PCO nitong Martes, Hunyo 23, sasang-ayunan daw ni PBBM ang pag-amyenda ng batas na may kaugnayan dito—sa kondisyong ito raw ay makabubuti sa mga kabataan sa bansa.

“Depende po ‘yan, kasi kung ano po ang makikita na version ng Pangulo—at kung ito naman ay mas makakabuti sa ating mga kabataan, sa pagpapatupad ng ating batas, ay sasang-ayunan naman po ng Pangulo ‘yan,” saad ni Usec. Castro.

Matapos ipahayag ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pagsuporta sa pagbaba sa edad ng criminal responsibility sa 12, sinabi ng press officer na wala pang posisyon ang Pangulo hinggil sa tiyak na gulang o edad.

“Sa ngayon, walang posisyon ang Pangulo kung anong edad, pero kung ang isinuggest nila ay 12 years old, ito ay resonableng edad,” anang press officer.

Gayunpaman, iginiit niya pa rin ang pagiging bukas ng Pangulo sa posibilidad na ito.

“Wala pa pong napag-uusapan tungkol sa edad, pero ang sabi nga natin, kung ano man ang maibibigay na version ng Kongreso [ay] titingnan po ‘yan ng Pangulo. Pero sa ating pagkakaalam, yes, open ang Pangulo kung mabababa man ang edad,” ani Usec. Castro.

Paliwanag ng PNP, dumarami ang mga kabataang naiuugnay sa mga krimen, batay sa kanilang datos at pag-aaral—dahilan upang suportahan nila ang pagpapababa sa edad ng criminal responsibility.

“Hindi naman po lingid sa kaalaman n’yo siguro na medyo nagkakaproblema na po tayo,” saad ni PNP Spokesperson Colonel Allen Rae Co sa parehong press briefing.

Ayon sa kaniya, “As a matter of fact, we studied ‘yong data, ‘yong statistics po natin, medyo tumataas po ‘yong na-i-involve na mga CICL—’yong mga Children in Conflict with the Law.”

MAKI-BALITA: PNP, pabor na pababain ang edad ng criminal responsibility sa 12!-Balita