May dagdag na panahon pa ang mga lisensyadong propesyunal para makapag-renew ng kanilang Professional Identification Card (PIC) kahit hindi pa kompleto ang kanilang Continuing Professional Development (CPD) credit units.
Inanunsyo ng Professional Regulation Commission (PRC) na pinalawig nito hanggang Disyembre 31, 2026 ang pagtanggap ng CPD Undertaking para sa renewal ng Professional Identification Card.
"Acceptance of CPD Undertaking for the Renewal of Professional Identification Card is Extended," mababasa sa post na nasa opisyal na Facebook page ng PRC.
"The Professional Regulation Commission (PRC) informs the public that the acceptance of CPD undertaking for the renewal of the Professional Identification Card (PIC) is extended until 31 December 2026," dagdag pa.
Batay sa PRC Resolution No. 2200, Series of 2026, pinagtibay ng Komisyon ang pagpapalawig upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga propesyunal at iba pang stakeholder na makapag-adjust bago ang ganap na pagpapatupad ng mga bagong alituntunin sa CPD Program simula Enero 2027.
Ayon sa PRC, kinilala nito ang mga hamong kinakaharap ng mga propesyunal sa pagkuha ng kinakailangang CPD credit units, kabilang ang gastos sa mga training at seminar, kakulangan ng mga programang pang-edukasyon sa ilang malalayong lugar, at mga limitasyong dulot ng iskedyul sa trabaho.
Nakasaad din sa resolusyon na kinakailangan pa ng karagdagang panahon upang maisagawa ang mga orientation, capacity-building activities, at pagpapahusay sa Continuing Professional Development Accreditation System (CPDAS) bilang paghahanda sa buong implementasyon ng CPD Program.
Sa ilalim ng umiiral na patakaran, maaaring mag-renew ng kanilang Professional Identification Card ang mga rehistrado at lisensiyadong propesyunal sa pamamagitan ng pagsusumite ng CPD Undertaking, na nagsisilbing pangako na kukumpletuhin nila ang kinakailangang CPD units sa itinakdang panahon.
Nilagdaan ang resolusyon noong Hunyo 22, 2026 nina PRC Chairperson Charito A. Zamora at Commissioners Erwin M. Enad at Conrado T. Onglao.
Para sa mga katanungan at iba pang alalahanin kaugnay ng CPD, maaaring makipag-ugnayan sa CPD Division sa pamamagitan ng email nila.
Maaari ding bisitahin ng publiko ang opisyal na website ng PRC at ang kanilang Facebook page para sa pinakabagong mga anunsyo at impormasyon hinggil sa CPD at iba pang serbisyo ng komisyon.