“Hinahanap-hanap kita, Manila…”
Mula sa maiingay na busina ng mga sasakyan, nagtataasang gusaling umaabot sa kisame ng kalangitan, hanggang sa mga taong tila lilipad na sa pagmamadali patungo sa kanilang paroroonan, ang lungsod ng Maynila ay nagsisilbing kapital at sentro ng kultura, ekonomiya, edukasyon, at pamahalaan ng buong Pilipinas.
Sa pagdiriwang ng ika-455 anibersaryo ng pagkakatatag ng Maynila ngayong Miyerkules, Hunyo 24, narito ang ilan sa “fun facts” na mahalagang malaman ng bawat Manilenyo na bumubuo sa makulay na kasaysayan ng lungsod:
Ang “Araw ng Maynila” ay araw ng pagkakatayo ng Intramuros, hindi ng Maynila sa kasalukuyang panahon
Taliwas sa kaalaman ng marami, ang petsang Hunyo 24 ay komemorasyon sa pagkakatatag ng Spanish Manila, na limitado sa lugar ng Intramuros.
Kaya ang Manila Day ay nagsisilbing selebrasyon ng pagkakatatag ng Intramuros, at hindi ng buong Metro Manila ng kasalukuyang panahon, na noo’y kilala bilang “arrabales” o lugar na tumutukoy sa labas ng mga pader ng Intramuros.
Ang Manila City Hall ay hugis kabaong na may krus sa top view nito
Kapag tiningnan sa top o aeriel view, makikita na ang Manila City Hall ay hugis kabaong na may krus.
Dahil na rin naitalang naitayo sa dekada 1900s hanggang 1940s, ang Manila City Hall ay nababalot ng iba’t ibang kuwentong kababalaghan at misteryo, na lumulutang tuwing hatinggabi o panahon ng undas.
Kinikilala bilang “City of the Setting Sun”
Ang lungsod ng Maynila ay kinikilala bilang “City of the Setting Sun” dahil sa makapigil-hiningang view dito ng paglubog ng araw, partikular sa Manila Bay.
Dahil dito, kadalasang nagtitipon ang maraming photographers at mga magkasintahan sa Manila Bay upang panoorin ang paglubog ng araw o kaya’y kuhaan ito ng litrato.
Ang pangalang “Manila” ay nagmula sa isang bulaklak
Ang pangalang “Manila” ay nagmula sa salitang “may-nilad” na tumutukoy sa isang mabulaklak na bakawang, “Scyphiphora hydrophylacea” na malago sa kahabaan ng Ilog Pasig noong sinaunang panahon bago pa man dumating ang mga Espanyol sa bansa.
Tahanan ng “Oldest Chinatown” sa buong mundo
Matatagpuan sa Maynila ang itinuturing na “Oldest Chinatown” na itinayo noon pang 1594.
Partikular itong mapupuntahan sa Binondo, na noo’y ginawa upang magsilbing tirahan ng mga Katolikong Tsino.
Dahil dito, ang lugar ng Binondo ay naging repleksyon ng relasyong Tsino-Pilipino ilang siglo na ang nakararaan.