July 25, 2026

Home FEATURES Lifehacks

‘ID at debit card combined!’ Paano makakapag-apply para sa bagong SSS Card?

‘ID at debit card combined!’ Paano makakapag-apply para sa bagong SSS Card?
Photo courtesy: PSA Helpline (website), Unsplash

Opisyal nang inilabas ng Social Security System (SSS) ang kanilang bagong dual-function “MySSS Card” na magbibigay ginhawa sa mga manggagawa, pensioners, at kanilang benepisyaryo sa pamamagitan ng mas madaling access sa kanilang mga benepisyo at pinansyal na serbisyo. 

Batay sa pahayag ng SSS noong nagdaang 2025, ang MySSS Card ay magsisilbing opisyal na ID upang mapalitan na ang Unified Multi-Purpose Identification (UMID) card. 

Bukod dito, ito rin ay magsisilbing “fully functional” debit card na naka-link sa savings account ng may-ari nito. 

Tiniyak ni SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph Montes De Claro na ang MYSSS Card ay mayroong EMV Chip at naka-integrate pa ito sa Philippine Identification System (PhilSys) eVerify at biometric authentication, upang matiyak ang ligtas na access ng SSS members sa kanilang SSS benefits at loans, gayundin sa kanilang pang araw-araw na financial transactions. 

Saad pa ng SSS, ang card ay maaari pang gamitin sa digital banking, shopping, mga pampublikong sasakyan, at pamimili online. 

Lifehacks

Back to School 2026: Mga dapat ihanda para sa mga anak na magbabalik-eskwela

SINO ANG MGA PUWEDENG MAG-APPLY PARA SA MySSS Card?

Ito ay available para sa lahat ng SSS members, pensioners, individual claimants, beneficiaries, at representative payees na kumpleto sa sumusunod na requirements: 

- Permanent SS number

- Aktibong account sa My.SSS Portal at mayroong updated personal details. 

- Rehistrado sa Philippine Statistics Authority (PSA) sa ilalim ng National ID system. 

Binanggit din ng SSS na maaaring gamitin ng mga miyembro sa application ang kanilang lumang SSS,UMID, at iba pang ID cards. 

PAANO MAG-APPLY PARA MAKAKUHA NG MySSS Card? 

Unang-una, mag-log in sa My.SSS account at hanapin ang “MySSS Card” sa ilalim ng “Services” tab. 

Pangalawa, suriin ang personal na mga detalye at bigyan ng permiso ang SSS upang iberepika ang identidad sa pamamagitan ng National ID system, dito ay ire-require ang mabilis na facial scan. 

Pagkatapos ay maaari nang makapili ng partner bank ang miyembro–mahalagang tandaan na sa kasalukuyan, Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) pa lamang ang maaaring piliin, ngunit inaasahang madagdag ang iba pang bangko tulad ng Asia United Bank (AUB), China Bank, at Union Bank of the Philippines.

Mula rito, makakakuha ng email notification ang miyembro. 

Dito ay makapagbubukas na ng RCBC DiskarTech account ang miyembro sa pamamagitan ng RCBC DiskarTech app, at kapag active na ang account, maaasahan ng SSS member na dadating ang kaniyang MySSS Card matapos ang 15 araw o 20 araw kung siya ay nasa labas ng Metro Manila.