Naging inspirasyon sa maraming netizen ang taos-puso at makapagbagbag-damdaming pagpupugay ni Andriana Joy F. Nepacina, isang Bachelor of Science in Legal Management graduate at Ateneo College Scholarship Awardee ng Ateneo de Manila University Class of 2026, para sa kaniyang amang matiyagang nagtitinda ng cotton candy upang maitaguyod ang kanilang pamilya.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Nepacina ang kuwento ng kaniyang amang si Amorlito "Kuya Amor" Nepacina, na kilala sa pagtitinda ng cotton candy sa mga lansangan ng Antipolo at sa paligid ng seminaryo. Ayon sa kaniya, sa kabila ng init ng araw, ulan, at pagod, hindi niya kailanman narinig ang kaniyang ama na magreklamo tungkol sa hirap ng buhay.
"Kilala si papa ng marami bilang 'Kuya Amor,' ang nagtitinda ng cotton candy sa mga kalsada ng Antipolo at sa paligid ng seminaryo," mababasa sa kaniyang Facebook post noong Lunes, Hunyo 22, isang araw matapos ang pagdiriwang ng Father's Day.
"Minsan sa ilalim ng tirik na araw, minsan naman kahit malakas ang ulan. Kahit pagod na pagod na siya, hindi ko kailanman narinig siyang magreklamo sa hirap ng buhay."
Ibinahagi rin niya na ang bawat panindang cotton candy ay hindi lamang simpleng produkto kundi naging daan upang mapakain ang kanilang pamilya, maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral, at maabot ang kanyang mga pangarap.
"Habang lumalaki ako, mas naiintindihan ko kung gaano kabigat ang mga sakripisyong dala ng bawat supot ng cotton candy na naibebenta niya."
"Hindi lang pala ito simpleng paninda, ito ang naging daan para mapakain kami, mapag-aral ako, at maipagpatuloy ko ang mga pangarap ko," dagdag pa niya.
Dahil sa sipag at tiyaga ng kanyang ama, natuto rin siyang mangarap nang malaki at magsumikap sa kabila ng mga hamon sa buhay. Aniya, naging inspirasyon niya ang araw-araw na pakikipagsapalaran ng kaniyang ama upang itaguyod ang kanilang pamilya nang marangal.
Para kay Nepacina, ang kaniyang diploma ay hindi lamang bunga ng sariling pagsisikap kundi simbolo rin ng lahat ng pagod, sakripisyo, at pagmamahal ng kanyang ama.
Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe para sa Father's Day, inilarawan niya ang kaniyang ama bilang isang tunay na bayani.
"Papa, itong diploma ay hindi lang para sa akin. Para rin ito sa lahat ng taon ng pagod, sakripisyo, at pagmamahal na ibinigay mo nang walang hinihinging kapalit."
“Hindi lahat ng bayani may kapa. Ang sa akin, may kariton ng cotton candy at may sipag bilang puhunan,” aniya.
Nagpasalamat din siya sa Ateneo de Manila University at sa Office of Admission and Aid sa pagbibigay sa kaniya ng scholarship na naging tulay upang maabot ang kaniyang pangarap at mabigyan ng mas magandang buhay ang kaniyang mga magulang.
Habang isinusulat ang balitang ito, umabot na sa 3.8k reactions, 168 comments, at 341 shares ang nabanggit na post.